Nakita ang ilang dokumento ng dalawa sa tatlong overseas Filipino workers na nabiktima ng "salisi" ng isang babaeng kumaibigan sa kanila sa Pasay City nitong nakaraang linggo.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing isang nagtitinda sa Mega Q-Mart sa Cubao, Quezon City ang nakakita sa mga dokumento.
Gayunman, sinabi ng mga awtoridad na hindi kasama sa mga nabawi ang nawawalang mga pera ng mga biktima na aabot sa P80,000, mga cellphone at iba pang gamit.
Pinaghahanap pa rin ng mga awtoridad ang suspek na babae na nagpakilalang si Gabriel Rut.
Matatandaan na kadarating lang ng tatlong OFW mula sa Middle East nang kaibiganin sila ng suspek sa labas ng paliparan at hikayatin na magsama-sama na lang sa isang hotel para makatipid sa bayad bago umuwi ng probinsiya.
Nang kumain ang grupo sa isang mall, ipinaiwan ng suspek ang mga gamit ng mga biktima sa katwirang maraming mandurukot sa labas.
Nang nasa kainan na sila, nagpaalam ang suspek na magwi-withdraw lang pero hindi na binalikan ang mga OFW.
Pagbalik ng mga OFW sa hotel, doon na nila nalaman na tinangay ng suspek ang kanilang mga bag at gamit.
Nakita pa sa CCTV camera ng hotel ang suspek habang bitbit ang mga bag ng mga biktima.
Nananawagan ang Pasay City police na makipag-ugnayan sa kanila ang sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek sa telepono bilang (02) 831-8070. — FRJ, GMA News