Hinuli at nahaharap sa reklamo ang isang rider matapos siyang dumaan sa EDSA busway sa Ortigas northbound at makasagasa ng tauhan ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT). Ang rider, sinabing nawalan umano siya ng preno.
Sa isang video ng SAICT, na mapanonood sa Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood ang tangkang pagpara ng mga tauhan ng DOTr-SAICT sa rider.
Ngunit sa halip na huminto, nagdire-diretso lamang ang rider at nasagasaan nito ang isang enforcer.
Pagdaan ng rider sa bike lane, nakabangga pa siya ng isang siklista.
Kalaunan, naabutan din ang rider at nahuli ng SAICT.
Dinala ang rider sa Land Transportation Office main office para isailalim sa imbestigasyon.
Maliban sa violation, desidido ang SAICT na ipakulong ang rider at sampahan ng reklamong hit-and-run.
Isinailalim na sa check up ang nasagasaang enforcer, na iniinda ang sakit sa braso at likod. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News