Nauwi sa habulan ang ikinasang follow-up operation ng pulisya laban sa dalawang lalaking suspek sa insidente ng akyat-bahay sa Barangay San Agustin sa Novaliches, Quezon City.

Arestado ang mga suspek na edad 21-anyos at 23-anyos.

Ayon sa pulisya, nagising ang biktima matapos makarinig ng ingay sa inuupahang apartment.

“Nung na-check niya andoon ‘yung mga suspect. Syempre nagkitaan ‘yung dalawa tumakbo na agad agad ‘yung mga suspect bitbit ‘yung mini vault then yung pouch na may lamang pera at alahas. Base sa imbestigasyon namin sir pumasok sila through ‘yung main door sinira nila ‘yung door knob then pumasok sila may mga kandado sa cabinet sinira rin nila,” ani Police Lt. Col. Aljun Belista, ang station commander ng Novaliches Police.

Natangay ng mga suspek ang P110,000 na cash at mga alahas at relo na nagkakahalaga ng P68,000.

Ilan na lamang sa mga ito ang narekober ng mga awtoridad.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na hindi ito ang unang beses na makukulong ang mga suspek.

“Yung isang suspek doon may kaso ng Republic Act 9165 or illegal drugs then ‘yung isa may tatlong kaso ‘yung pagnanakaw din robbery, theft, then illegal gambling,” dagdag ni Police Lt. Col. Belista.

Itinanggi ng mga suspek na nagnakaw sila.

“Wala po ako alam dyan eh,” depensa ng 21-anyos na suspek.

“No comment po kami dyan,” giit naman ng 23-anyos na suspek.

Nasampahan na ang dalawa ng mga reklamong robbery at resistance and disobedience to a person in authority. — BAP, GMA Integrated News