Nasawi ang isang babaeng pasahero habang sugatan ang limang iba pa matapos silang tumalon mula sa sinasakyang pampasaherong jeep na naholdap sa Commonwealth Avenue sa Quezon City bandang 9:30 p.m. kagabi.
Naisugod pa ang 29-anyos na babaeng biktima sa ospital pero idineklarang dead on arrival.
Kwento ng jeepney driver, galing siyang Lagro at patungong Cubao nang mangyari ang insidente.
May isang lalaki na sumakay sa area ng Don Fabian.
Ilang saglit pa ay ipinakita ng lalaki ang dala niyang kutsilyo at nagdeklara ng holdap.
“Ipinakita niya lang ‘holdap ito amin na yung mga bag nyo’ ikang ganon. ‘Yung babae nanlalaban ayaw niya ibigay yung bag niya kasi andoon daw yung id niya eh inambahan yung babae sasaksakin baga kaya ibinigay na niya,” sabi ng jeepney driver na si Edgardo Cabiente.
Hindi pa matukoy ang sanhi ng pagkamatay ng nasabing pasahero.
Samantala, tumalon ang ilang pasahero maging ang kinakasama ng jeepney driver dahil dala-dala niya sa bag ang halos P1,000 na kita sa pamamasada.
“Palapit na ‘yung holdaper sa likod namin akala ko nasaksak na kami kaya nataranta ako hindi ko alam ang gagawin ko tumalon ako,” ani Evangeline Lugay, ang kinakasama ng jeepney driver.
Tumakas ang salarin pero nahabol siya at binugbog ng taumbayan.
Nabawi sa kanya ang bag ng nasawing biktima at ginamit na patalim.
“Pagdating namin sa area andoon na yung mga riders na humabol sa suspek natin. Kami naman dumating kami roon inawat na lang namin sila kasi nga may sakitan nang nangyayari. Inawat namin mga sibilyan inilagay namin sa mobile yung suspek para hindi na masaktan,” ani Patrolman Steve Fontillas, ang security detail ng QC Task Force Disiplina sa Commonwealth Avenue.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan at umiika ang 54-anyos na suspek.
Dati na siyang nakulong dahil sa pagnanakaw.
Inamin din niya ang panghoholdap.
“Dami ko na pong kasalanan sa pamilya ko. Nawalan po ako ng trabaho. Tama lang bayaran ko ‘yung nagawa kong kasalanan,” sabi ng suspek.
Itinurnover sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) sa Camp Karingal ang suspek na mahaharap sa mga reklamong robbery with homicide and physical injuries. — BAP, GMA Integrated News