Balik-kulungan ang 27-anyos na construction worker matapos maaresto sa ikinasang drug buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Veinte Reales sa Valenzuela City.
Nakuha mula sa suspek ang 50 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P340,000.
“Nasundan natin ‘yung mga activities niya at talagang involved dito sa drug pushing,” ani Police Col. Nixon Cayaban, ang chief of police ng Valenzuela City.
Ayon sa pulisya, malakihan ang operasyon ng suspek na ang karaniwang parokyano ay mga construction worker at factory worker.
Ang area of operation ay sa Valenzuela, Caloocan, at karatig lugar sa Bulacan.
“Itong suspek natin ay taga ibang barangay so karamihan nung mga parokyano niya is of course dahil dito sa Veinte Reales malapit sa Bulacan ito ‘yung mga karatig na sinusuplayan niya at the same time Valenzuela and Caloocan,” dagdag ni Col. Cayaban.
Dati nang nakulong ang suspek sa Maynila at Caloocan dahil din sa kasong may kinalaman sa droga.
Itinanggi niyang nagbebenta siya ng shabu.
“Hindi po totoo ‘yon,” sabi ng suspek.
Nasampahan na ang suspek ng reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act. — BAP, GMA Integrated News