Sumilkab ang sunog sa Tinajeros Elementary School sa Malabon bandang alas onse kagabi.
Itinaas ng Bureau of Fire Protection ang unang alarma — tatlong fire truck nila ang rumesponde, walo naman ang fire volunteer group.
Tumagal nang halos tatlumpung minuto bago tuluyang naapula ang apoy.
Ang security guard ng eskwelahan na si Mark Santiago ay muntik pang mabagsakan ng kisame ng nasusunog na classroom.
“Nagulat na lang kami may bigla pong sumabog tapos bigla ‘yung apoy. Sinubukan po namin apulahin ‘yung apoy kaso po malaki na po talaga hindi na po namin naagapan,” kuwento ni Santiago.
Ayon sa BFP, natupok ang dalawang classroom, isang storage room, at isang comfort room sa ikatlong palapag ng Veterans' Building.
Inaalam pa raw nila ang sanhi ng apoy.
“Under investigation pa siya ng arson natin para at least safe tayo po. Medyo nahirapan dahil pagdating namin totally burned na yung isang room kaya pero nakaya naman namin,” ani SFO4 Armando Baldillo, ang acting chief of operations ng BFP Malabon.
Sabi ng BFP, kailangan na muna masuri ang electrical system ng gusali kung saan nangyari ang sunog.
“Ico-close muna natin ‘yan dahil ipapacheck pa natin electrical system nila kung ano yung naapektuhan po,” dagdag ni SFO4 Baldillo.
Dahil naman sa insidente, kanselado ang face-to-face classes ng mga estudyante ngayong araw sa Tinajeros Elementary School.
Modular learning na muna ang ipatutupad. — BAP, GMA Integrated News