Nailigtas ang isang kasambahay matapos siyang ikulong ng mga amo niyang Tsino nang mabisto niya ang operasyon nilang online scamming sa tinutuluyan niyang bahay sa exclusive subdivision sa Parañaque.

Sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras" nitong Martes, mapanonood ang video ng National Bureau of Investigation - Cybercrime Division kung saan nakitang nakasalampak sa sahig ang babaeng kasambahay nang abutan nila sa isinagawa nilang rescue operation.

Pag-akyat ng mga NBI agents sa ikatlong palapag, inabutan pa nilang naka-online ang mga Tsino, na ginawa umanong pugad ng panloloko ang bahay.

Ayon sa kasambahay, mistulang ikinulong na umano siya sa loob ng bahay matapos niya itong madiskubre.

“Noong bigla akong umakyat doon at nakita ko na gano'n 'yung trabaho nila… Noong malaman ko, binabawalan na nila akong umakyat, binabawalan na nila akong lumabas kasi baka daw magkuwento ako sa labas. Binabawalan nila ako maglinis sa third floor. Natatakot po ako,” sabi ng kasambahay.

Ayon sa NBI agent on the case na si Terence Long-e, “Nag-start ng November na hindi na siya pinapalabas at restricted na lahat ang galaw niya doon. Kahit sa paggamit niya ng cellphone, hindi na rin siya pinapagamit nang maayos.”

Nang makalingat umano ang mga Tsino, dito na kumuha ng tiyempo ang kasambahay na nakatawag sa isang kaibigan, na siya namang humingi ng saklolo sa NBI.

Tumambad ang mga script sa mga computer ng mga dayuhan, at nabuking ang iba't ibang online panloloko ngayong magpapasko, na may indikasyon ding may mga Pilipino silang nabibiktima.

“Nakakita kami ng mga written scripts which indicate social engineering schemes. May nakita kaming cryptocurrency investment scripts. May nakita kaming activity involving money muling. May nakita rin kaming romance scam scripts,” sabi naman ni Atty. Jeremy Lotoc, Chief ng NBI Cybercrime Division.

“They came from a big POGO organization. Dahil sa wala na nga, pinatigil na ng ating Pangulo ang POGO, nag-divide sila sa smaller group at itinuloy nila 'yung mga kalokohan nila,” ayon kay NBI Director Jaime Santiago.

Arestado ang pitong Tsino na nahaharap sa patong-patong na reklamo.

Hindi na sila nagbigay ng kanilang panig.

Samantala, tutulungan ng NBI ang nasagip na kasambahay na makauwi sa kaniyang dalawang anak sa Davao.

Sinampahan ang mga dayuhan ng mga paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), Kasambahay Law, Republic Act 10175, at Expanded Anti-Trafficking In Persons Act.

“Kung meron nag-recruit sa inyo bilang kasambahay, maaaring pumunta agad kayo roon sa barangay kung saan kayo magtatrabaho. Mag-report kayo roon na ‘Ako'y papasok dito bilang kasambahay’ para madali kayong matulungan kung ano man ang mangyari,” paalala ni Santiago. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News