Sapul sa CCTV ang pagkalikot at pagnakaw umano ng isang lalaki sa e-bike ng staff ng isang clothing shop sa Tondo, Maynila.

Nakita muna ang lalaki na tila may minamanmanan habang naglalakad sa may Bambang Street.

Maya-maya, pinantaklob na sa ulo ng lalaki ang suot niyang t-shirt at kinakalikot na ang nakaparadang e-bike sa tapat ng tindahan ng damit.

Makalipas ang ilang minuto, sumampa na siya sa e-bike.

Sinuot na niya nang maayos ang t-shirt niya at minaneho paalis ang e-bike.

Ninakaw umano ng lalaki ang e-bike mula sa isang empleyado ng clothing shop.

“Ginagamit din ‘yun hatid sundo sa mga bata tapos nanakaw lang. Yung e-bike na nga lang ‘yung napundar, nanakaw pa,” ani Joshua Mendoza, may-ari ng e-bike.

Masaklap daw para sa kaniya ang nangyari lalo na’t katatapos lang nila hulugan ang e-bike matapos ang isang taon. Dagdag pa niya, kagagastos lang nila para makabitan ng bagong battery ang e-bike.

Ayon sa may-ari ng clothing shop, pangatlong pagnanakaw na ito sa tindahan sa loob ng isang linggo.

Duda pa niya, mukhang customer pa nila ang lalaking tumangay sa e-bike.

“Nakasuot siya ng paninda namin. Parang minanmanan niya muna ‘yung e-bike. Dinouble check niya muna kung siguro anong oras nawawala ‘yung tao, saan pinaparada ‘yung e-bike kasi alam niya agad ‘yung pupuntahan niya eh,” ani Allan Teston, ang may-ari ng tindahan.

Talamak daw ang ganitong mga insidente sa tindahan nila lalo na’t nalalapit na ang Pasko.

Payo niya sa mga kapwa business owner, “‘Wag sila maghinayang na mag-invest ng ano, ng CCTV sa shop nila. Maging alerto sila kasi napakarami talagang ganun ngayon ‘pag dating ng December — mga kawatan.”

Nai-report na raw nila ang insidente sa barangay na sinusubukan pang kuhanan ng pahayag ng GMA Integrated News. — BAP, GMA Integrated News