Most wanted umanong drug pusher sa Baseco, Maynila natunton matapos mag "My Day" sa Facebook.

Sa kulungan ang bagsak ng 24 anyos na lalaki, ang Top 1 most wanted person sa Baseco, Maynila.

Ayon sa pulisya, dati na silang nagkasa ng drug buy bust operation laban sa kanya pero ...

“He was able to escape, however, yung ibang cohorts niya nahuli namin and we (will) file charges against him,” ayon kay Police Lt. Col. Emmanuel Gomez, Manila Police District - 13 station commander.

“Hinanap namin siya kung saan saan, may nagsabi nasa parola, nasa Tondo, may nagsasabi na umuwi na sa probinsya,” dagdag niya.

Sakto naman na sa tulong ng social media, natunton daw nila ang target matapos siyang mag-"My Day" sa Facebook.

“Nagpost siya nandun siya sa trabaho niya kaya alam namin kagad, unang una gamay namin tong area namin eh,” ayon  kay Gomez.

Hanggang sa tuluyan na siyang mahuli sa kanyang pinagtataguang bahay na hindi naman kalayuan sa Baseco.

Base sa imbestigasyon, ang akusado ang umano'y source ng droga sa kanilang lugar.

Kabilang din siya ng mga high value individual ng Philippine National Police (PNP).

“Baseco is a very big barangay 'to no, we have more or less mga 70k population dito and ang iba rito talaga na e-engage sa mga ganyang bisyo, ung mga nahuhuli namin na nagbebenta ng droga siya ung tinuturo na kinukuhanan,” ayon kay Gomez.

Pero, itinanggi naman ito ng akusado.

“Hindi po, sa korte na lang po ako magpapaliwanag sir.”

Mananatili sa kustodiya ng Baseco Police Station ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte. — BAP, GMA Integrated News