Nadiskubre ng NAIA-IADITG (Inter-Agency Drug Interdiction Task Group) na naglalaman ng droga ang 21 parcels sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.

Ang mga parcel ay idineklarang may lamang tsaa, wiring harnesses, damit, libro at skincare products.

Nasabat ang mahigit 7,000 grams ng kush o high grade marijuana at mahigit 1,200 ecstasy tablets na nagkakahalaga ng halos P13 million.

“Dumadaan ‘yan sa x-ray and then nung nakita natin doon na meron pinadaan natin sa K9 inspection and then after nyan nagkaroon din ng thorough examination ang NBI para ma-check talaga doon natin napag-alaman na meron na may lamang pinaghihinalaang droga,” ani Arvin Targa ang PIO chief ng PDEA RO NCR.

Tumanggi muna ang mga awtoridad na sabihin kung saang mga bansa galing ang mga parcel.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa foreign counterparts para sa isinasagawang imbestigasyon.

Bahagi naman ng follow up operation ang mga nakasaad na consignee.

“Ive-verify natin yung existence ng mga tao na nandito at the same time yung address na nakalagay yung mga details. Our goal is to file a case against them pertaining to R.A. 9165,” dagdag ni Targa.

Nasa kustodiya ng PDEA ang mga ebidensya para sa laboratory examination. — BAP, GMA Integrated News