Lalaki na umano'y lulong sa online casino, arestado matapos looban ang dating pinapasukang grocery store sa Tondo, Maynila.
Natangay ng suspek ang mahigit kalahating milyong piso na laman ng vault.
Aakalain mong empleyado ang lalaking ito na lumabas mula sa isang nakasaradong grocery store sa Tondo, Maynila.
Pero ang lalaki pala, magnanakaw daw ayon sa pulisya.
Ang hawak niyang paper bag, may laman umanong mahigit sa kalahating milyong piso na tinangay niya sa vault ng tindahan.
Base sa imbestigasyon, nagsuot ng uniporme ang suspek at sumalisi sa loob.
“Pumunta siya sa likod, nagtago siya sa basurahan na sako, noong wala ng tao, nagsara na, dun na siya nagsimulang mangalkal hanggang sa nakakuha siya ng tools,” ayon kay Police Lt. Col. Rexon Layug, MPD-7 Abad Santos Police Station chief.
Natyempo rin daw na nakita nito ang susi ng vault kaya dali dali niya itong binuksan at tinangay ang laman nito.
Kinabukasan na rin nalaman ng mga empleyado doon ang nangyari.
Sa backtracking at imbestigasyon ng mga pulis, dito na napag-alaman na ang suspek sa krimen, dati raw empleyado ng grocery store.
“Accordingly, tinanggal siya dahil nagkaroon din ng problema sa yung mga pera na hinahawakan niya ay nagkakaroon ng kakulangan,” ayon kay Layug.
Napag alaman din na lulong sa online casino ang suspek.
Sa ikinasang follow up operation, natunton naman siya ng mga awtoridad sa kanyang bahay sa Lualhati Street sa Tondo.
Nabawi sa kanya ang pera ngubit bawas na raw ito ayon sa mga pulis.
“Meron amount doon sa pera na naitaya niya na, nung tiningnan namin transaksyon niya, meron siyang tayang 25k, 19k, pinakamababang nakita ko ron, 6k,” ayon kay Layug.
Nakuha rin sa suspek ang black box ng CCTV sa loob ng tindahan at ang ilang tools sa ninakaw din niya sa loob ng grocery store.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng MPD ang suspek na nahaharap sa reklamong robbery.
Tumanggi ang suspek na pagbigay ng pahayag. — BAP, GMA Integrated News