Nakunan sa CCTV ang ginawang panloloob ng isang lalaki sa isang eskuwelahan sa Bocaue, Bulacan.

Natangay ang P120,000 na pera ng isang guro na pambili sana niya ng gamot, suweldo ng asawa, 13th month pay at gagamitin sana nila sa kanilang Christmas party.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa "Unang Balita" nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ang paglabas ng lalaki mula sa silid-aralan ng paaralan.

Nakita sa isa pang CCTV footage na bago ang pagnanakaw, naglakad-lakad at nagtanong pa ang lalaki sa mga mag-aaral kung may mga naiwan pang guro sa mga silid-aralan.

Habang abala ang lahat sa paaralan, dito na sumalisi ang lalaki.

Patuloy na pinaghahanap ang salarin.

Ayon sa mga awtoridad, may iba pang eskuwelahan sa Bocaue ang ninakawan din kamakailan.

Samantala sa Iloilo, napanood sa CCTV ang isang lalaki na nagnakaw din sa isang paaralan.

Sinabi ng pulisya na nagpanggap na bisita ang lalaki, na dumaan sa guard house ng Philippine Science High School - Western Visayas Campus.

Habang may flag raising ceremony sa auditorium, doon na pinasok ng suspek ang faculty room at ilang silid-aralan at tinangay ang ilang laptop, cellphone at pera ng mga mag-aaral at guro.

Natunton ang suspek sa follow-up operation nang makipagtulungan sa pulisya ang kaniyang pamilya, ngunit nakatakas ang lalaki.

Narekober naman ang ilan sa kaniyang mga ninakaw.

Sinubukan ng GMA Integrated News na kunan ng panig ang opisyal ng campus pero wala pa silang ibinigay.

Kinabukasan, muling sumalakay ang suspek at nanloob ng isa pang paaralan sa Tibiao, Antique, ngunit doon na siya nadakip.

Hindi siya nagbigay ng pahayag.

Lumabas sa imbestigasyon, nasangkot na sa maraming kaso ng pagnanakaw ang suspek at dati na ring nabilanggo. — Jamil Santos/BAP, GMA Integrated News