Sa bisa ng warrant of arrest, inaresto sa Pandi, Bulacan and isang lalaki na pinaghahanap ng mga pulis sa Maynila dahil sa kasong murder.
Siya raw ang Top 1 most wanted person ng Manila Police District.
Ayon sa pulisya, kumpare niya pa mismo ang pinatay ng akusado noong Setyembre ng nakaraang taon sa bahagi ng Parola compound.
Base sa imbestigasyon, matagal nang may alitan ang akusado at biktima na nagtulak sa akusado para barilin ang biktima.
Pero ayon sa kaanak ng biktima, droga ang nakikita nilang dahilan kung bakit napatay ng akusado ang biktima.
Hindi raw kasi ito nakabayad sa mga droga na kanyang nabili sa akusado.
Kaya habang abala raw noon ang biktima na maglaro ng baraha, dito na nakakuha ng tiyempo ang akusado at malapitang binaril sa ulo ang kanyang kumpare habang nakatalikod.
Agad namang tumakas ang lalaki at nagtago sa Bulacan kung saan siya ay namasukan bilang construction worker.
BAse sa salaysay ng akusado sa mga pulis, aminado at nagsisisi naman siya sa kanyang nagawa.
Pero nang kausapin ng media, itinanggi na niya na ginawa niya ang krimen.
Iginiit din niya na nasa Bulacan na siya noong araw na mangyari ang pamamaril.
Gayunman, sinabi ng pulisya na matibay ang ebidensiya nila laban sa akusado.
Napag alaman naman na dati nang nakulong ang akusado dahil sa kasong may kunalaman sa iligal na droga.
Sa ngayon ay nasa kustodiya siya ng Moriones Police Station habang hinihintay ang commitment order ng korte. — BAP, GMA Integrated News