Sa bisa ng isang search warrant, sinalakay ng mga tauhan ng NBI Cybercrime Division ang isang gusali sa Makati City nitong Biyernes ng gabi.
Ito raw ang isa sa pugad ng mga dayuhan na sangkot sa iba't ibang scamming activities.
Ayon sa NBI, aabot sa mahigit 20 workstations ang natagpuan sa limang palapag ng gusali.
May mga kwarto rin na may mga nakasulat na "Couple Room" kung saan tumutuloy ang mga dayuhan na mayroong partner.
Bawat kwarto, meron nang sariling CR at higaan.
Sa rooftop naman, nandoon ang kanilang commissary at ibinababa na lamang ang mga pagkain sa bawat kwarto.
Yan ay para hindi na raw lumabas labas pa ang mga scammer.
Bukod sa mga computer, SIM cards at cellphone, narekober din ng NBI ang mga notebook kung saan nakalagay ang kanilang mga script depende sa uri ng scam.
Sabi naman ng NBI, isasailalim pa sa forensic investigation ang mga computer na narekober para malaman kung gaano na sila katagal nag o-operate sa lugar.
Sa kabuuan, aabot sa 17 na mga dayuhan ang nahuli sa operasyon kung saan karamihan ay mga Chinese national.
Pero bukod sa kanila, mayroon ding mga nakitang Pilipino na nagtatrabaho dito.
Pero iginiit nila na wala silang alam sa ilegal na aktibidad na ginagawa sa loob ng gusali.
Sabi ng isang kitchen staff na nakausap ng GMA Integrated News, anim na buwan pa lang siyang stay-in dito at hindi nila alam na mayroong ilegal dito.
Puro computer lang daw kasi ang nakikita niya sa tuwing magbababa siya ng pagkain sa kanila.
Samantala, sa ngayon ay dinala na sa tanggapan ng NBI ang mga nahuling dayuhan. —BAP/KG, GMA Integrated News