Makikita sa video sa drive thru ng isang fast food chain sa Andrews Avenue sa Pasay City ang isang taxi na sinusundan ang nakapilang van.

Kita rin sa CCTV ang isang kotse na papasok sana sa pila ng drive thru pero hindi siya pinag bigyan ng taxi hanggang magkagitgitan ang dalawang sasakyan.

Maya-maya, bumaba ang asahero ng kotse at kinompronta ang taxi driver.

Nagkaroon ng tulakan hanggang sa nauwi ito sa suntukan.

Sinubukan pa silang awatin ng mga kasama nila at ng gwardiya ng kainan pero hindi rin sila agad nagpaawat.

Makalipas ang ilang minuto, makikita ang taxi driver na tumatakbo.

Sinalubong siya ng kanyang nakaaway at maya-maya bigla na lang siyang tumumba.

Pinagbabaril na pala siya ng lalaking nakaaway niya.

Ayon sa pulisya, humiwalay na ng direksyon ang kotse pero sinundan pa rin umano sila ng taxi driver hanggang sa makita nito ang kaaway niya sa tapat ng isang hotel.

“Nilapitan niya, talagang nilapitan kasi meron din dalang patalim yung ano yung taxi driver ayun binaril siya nung ano, nung ating suspek,” ayong kay Pasay City Police Station chief Col. Samuel Pabonita.

“Ang narekober natin dun sa crime scene, apat na empty shells ng 45 pero yung tama ata ng ano tatlo yung tama ng ano ating biktima, isa sa ulo sa leeg at meron dito sa bandang hita,” dagdag niya.

Lumabas sa imbestigasyon na maniningil lang sana ng kanyang pautang ang taxi driver sa mga kapwa niya driver na namamasada sa lugar.

Ayon naman sa pulisya, agad nilang natunton sa Bulacan ang kotse na posibleng sinakyan ng suspek base na rin sa plaka nito.

Pero, sa pamamagitan ng dashcam video, pinatunayan daw ng may-ari ng na-trace na sasakyan na hindi umalis ang kotse sa kanilang lugar noong mangyari ang krimen.

Posibleng insidente daw ito ng doble plaka.

“Ang lumalabas dito baka lang, may kakambal tong, may gumawa ng plate number na magkakapareho pero titingnan pa natin,” ayon kay Pabonita.

Sa ngayon ay patuloy daw ang kanilang imbestigasyon para mahuli ang suspek sa krimen. — BAP, GMA Integrated News