Timbog sa ikinasang follow-up operation ng pulisya sa Cainta, Rizal ang isang 59-anyos na school principal na inireklamo ng pangmomolestiya umano sa apat na Grade 10 students.
Nangyari ang insidente sa opisina ng principal sa isang eskuwelahan sa Quezon City.
Sabado nang papuntahin ng principal ang ilang estudyante kahit walang pasok noon para magpatulong na mag-print ng mga certificate.
Pinapunta sa kusina ang isa sa mga biktima kung saan sumunod ang principal.
“Doon po niya tinatanong kung ilang taon na raw po ako kung nagamit ko na raw yung pagkalalaki ko. Tapos hinawak hawakan na po niya doon na po niya sinimulan panghahalay sa akin. Hanggang sa natigil lamang po ito nung kumatok yung isa sa aking kaibigan, binuksan yung pintuan po,” kwento ng biktima.
Tatlong iba pang estudyante ang nabiktima.
Ayon sa pulisya, dumulog sa kanilang tanggapan ang apat na lalaking biktima — ang isa ay 17 years old habang ang tatlo ay 15 years old.
“Pinatawag sila ng kanilang principal na may ipapagawa sa kanila. Yung isa nga inutusan magluto yung iba naman naglilinis. Yung isa doon ang unang nabiktima doon 17 years old nga ginawan ng isang kahalayan nasundan pa nung tatlo pa. Yung huling menor de edad na victim natin tumakbo at naitulak itong suspek at diretso nagsumbong sa kanyang mga magulang,” ani Police Lt. Col. Macario Loteyro, ang station commander ng Project 6 Police station.
Nakakulong sa Project 6 Police Station ang suspek na nasampahan na ng reklamong lascivious conduct in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Tumanggi siyang magbigay ng pahayag.
Inaalam pa ng Quezon City Police District (QCPD) kung may iba pang estudyante na nabiktima ang suspek.
Nakarating na rin sa kaalaman ng Department of Education (DepEd) ang insidente.
Pinaiimbestigahan na ito ni Education Secretary Sonny Angara.
“We have not yet received a report from our SDO in Quezon City. We will closely monitor and will give you updates once the concerned field office submits its incident report,” bahagi ng pahayag ni Dennis Legaspi, ang Media Relations Chief ng Office of Secretary Sonny Angara. — BAP, GMA Integrated News