Hinihinalang miyembro ng gun-for-hire group at riding in tandem, arestado matapos maaksidente sa Maynila
Kuha sa CCTV ang maaksyong paghabol ng mga pulis sa isang motorcycle rider sa bahagi ng Padre Faura panulukan ng Roxas Boulevard service road sa Maynila.
Hindi na gaanong mahagip sa video pero nakabangga pa raw ng isang motorcycle rider ang suspek.
Matapos 'yan. iniwan umano nito ang kanyang motor at tumakbo pabalik.
Buti na lamang at may mga tumulong na gwardiya kaya nakorner ang suspek.
Sinubukan pa ra nitong bumunot ng baril, pero agad din naalerto ang mga awtoridad kaya nahuli ang lalaki at nakuha sa kanya ang isang 9 mm na pistol na walang dokumento.
Ayon sa pulisya, bago ang habulan, una nang nakita ng mga pulis ang lalaki sa bahagi ng Taft Avenue.
“Habang nagpapatrolya itong mobil ng Bocobo PCP, may nasita silang isang indibidwal dito, na nagkaroon ng self accident at noong lalapitan nila ito para tulungan, agad itong sumakay sa motor at pinaharurot ito kaya nagkaroon ng habulan.” Police Major Philipp Ines, Manila Police District Spokesperson.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na raw sila sa Land Transportation Office (LTO) para malaman kung carnap ba ang motor na gamit ng suspek, lalo at wala itong mga dokumento.
Isasailalim din daw sa ballistic examination ang baril na narekober sa lalaki para malaman kung nagamit ba ito sa krimen.
“Yung mga nakukuha natin mga impormasyon na miyembro nga ito ng isang grupo ng mga motorcycle riding criminal na nanghoholdap dito sa area ng maynila at mga karatig pang siyudad dito sa metro manila,” ayon kay Ines.
“Lumilinya rin ito sa gun for hire,” dagdag niya.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makapanayam ang suspek pero iba ang kanyang pahayag.
“Yung baril na yun sir naano ko lang un sir, napulot ko lang un sir eh,” ayon sa suspek.
“Wala po talaga kong dalang baril, helmet lang,” dagdag niya.
Gayunman, itinanggi niya ang paratang na riding in tandem siya at sinabing may banta lang ang kanyang buhay dahil marami raw may gusto sa kanyang nobya.
Sa ngayon ay hawak ng Ermita Police Station ang suspek na mahaharap sa reklamong paglabag sa resistance and disobedience to a person in authority at comprehensive law on firearms and ammunition. — BAP, GMA Integrated News