Sa kulungan ang bagsak ng isang AWOL na pulis matapos umanong magpaputok ng baril sa isang parking lot sa Ermita, Maynila.
Ayon sa pulisya, saktong nag-iikot ang barangay nang makarinig ng putok ng baril
Isang concerned citizen naman ang nagturo sa kanila kung saan nanggaling ang tunog ng pagputok ng baril.
Pagkasilip ng mga tauhan ng barangay sa iasng pribadong parking lot, isang lalaki raw ang naabutan nilang may hawak na baril at apat na beses na nagpaputok.
Dito na sila tumawag ng responder kung saan umabot sa mahigit 20 pulis ang nagtungo sa lugar.
Pero hindi raw basta-basta sumuko ang suspek at tumagal pa ng isang oras bago nakapasok ang mga pulis.
Nakita nila ang suspek na nagtulog-tulugan pa umano sa isa sa mga barracks.
Habang isang lalaki naman na tauhan din ng establisyimento ang hinuli.
Siya raw kasi ang nagpapasok sa mga pulis.
Samantala, ang baril na ginamit naman ng suspek, tiinago pa niya sa ilalim ng kotse, sa bandang suspension.
Napag-alaman na ang suspek na nagpaputok ng baril ay dating miyembro ng PNP-Special Action Force.
Habang ang isa pang nahuli ay dati ra na may kasong kinalaman sa illegal possession of firearms.
Nabatid din na ang mga suspek ang tumatayong caretaker ng nasabing establisyimento.
Nasa kustodiya na sila ng Ermita Police Station at tumangging magbigay ng pahayag.
Mahaharap ang AWOL na pulis sa reklamong paglabag ng Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at indiscriminate firing.
Habang reklamong obstruction of justice naman ang isasampa sa kasabwat nito. — BAP, GMA Integrated News