Nasawi ang tatlong pasahero ng isang van habang pito naman ang sugatan makaraang magkarambola ang tatlong sasakyan sa Maharlika Highway, Barangay Talisay, Tiaong, Quezon ng madaling araw ng Linggo.

Nangyari ang aksidente dakong 3:20 ng umaga ng Linggo.

Ayon sa report ng Tiaong Municipal Police Station, patungo sa direksyon ng Bicol ang dalawang van nang mag-overtake ang isa pang van dito hanggang sa mahagip ito ng kasalubong na pampasaherong bus na patungong Maynila.

Nagtamo ng matinding pinsala ang isang van na patungo raw sa probinsya ng Masbate.

Ang mga sugatan ay kaagad na isinugod sa pagamutan.

Accident-prone area ang lugar na pinangyarihan ng aksidente.

Inaalam pa ngayon kung ang nabanggang sasakyan ay colorum na van.—RF, GMA Integrated News