Inaasikaso na ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang mga kailangang gawin upang maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ng tatlong overseas Filipino worker na nasawi sa kasagsagan ng pag-ulan at pagbaha sa Dubai, United Arab Emirates.

Sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang mga nasawing OFW na sina Dante Casipong, Jennie Gamboa at Marjorie Saquing.

Si Casipong, nasawi matapos na mahulog sa sinkhole ang kaniyang sasakyan.

Samantala, suffocation naman sa kanilang shuttle service ang ikinasawi nina Gamboa at Saquing .

“Immediately, nakipag-usap na tayo sa kanilang pamilya. Personal pinuntahan ito ng ating regional officers. In fact, kagabi kausap ko yung kapatid ni Dante sa Lucena and all of the family members of the OFWs natin na sumakabilang buhay,” ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio.

Sabi pa ng opisyal, “Ito inaayos na natin ano, hindi naman ito magtatagal. Hindi lang natin masabi specifically yung date. As soon as we get clearance and other requirements, immediately maililipad natin yan.”

Bagaman tumigil na ang pag-ulan sa Dubai, marami pa ring lugar ang lubog sa baha.

“’Yung mga mabababang parte ng Dubai… Maraming sasakyan ang lumubog,” ayon sa OFW na si Vincent Tambong.

Hinihinala ng mga eksperto na epekto ng climate change ang bumuhos na malakas na ulan sa bahaging iyon ng Middle East. Nakadagdag naman daw sa problema ng pagbaha ang kalawan ng UAE sa drainage infrastructure o maayos na daluyan ng baha.

“Humupa na ang ulan at baha, pero may ilang bahagi pa rin na mayroong tubig. Around 650,000 ang OFWs doon, but in terms of ‘yung affected, nagsasagawa ng relief goods operation o distribution ngayon,” ayon kay Department of Migrant Workers Officer-in-Charge Undersecretary Hans Cacdac.

Handa umano ang OWWA na tulungan na makauwi sa Pilipinas ang mga OFW na nais magpa-repatriate pero wala umanong lumalapit pa sa kanila.-- FRJ, GMA Integrated News