BREAKING NEWS: PBGEN Nicolas Torre III, nagbitiw bilang Quezon City Police District (QCPD) director upang bigyang-daan ang imbestigasyon kay Wilfredo Gonzales. | via @allangatus pic.twitter.com/UcBX3yk9GP
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 30, 2023
Nagbitiw sa puwesto si Police Brigadier General Nicolas Torre III bilang hepe ng Quezon City Police District (QPCD) upang magbigay daan sa imbestigasyon sa insidenteng kinasangkutan ng dating pulis na si Wilfredo Gonzales, na kinasahan ng baril ang isang siklista.
Sa ulat ni Allan Gatus ng Super Radyo dzBB, sinabi ni Torre na gusto niyang ipakitang wala siyang pinagtatakpan na sinoman at handa siya na maisiwalat ang katotohanan hinggil sa insidente.
Magiging epektibo ang pagbibitiw ni Torre sa Huwebes, ayon sa ulat.
Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng pulisya ang insidente noong Agosto 8 na kinasangkutan ni Gonzales at ng isang hindi pinangalanang siklista, na nakunan sa isang video.
Sa video na nag-viral, makikita si Gonzales na bumubunot ng baril matapos na tumama ang bisikleta ng siklista sa kaniyang kotse.
Sinampahan na ng alarm and scandal si Gonzales ng pulisya nitong Martes.
Sa isang punong balitaan nitong Linggo, sinabi ni Gonzales na nagtungo sila ng siklista sa estasyon ng pulisya matapos ang insidente at nagkasundo na.
Gayunman, sinabi ng bike enthusiast at abogadong si Raymond Fortun na napilitan umanong makipagkasundo ang siklista at umaming kasalanan niya ang insidente at sinabihang magbayad na lang ng P500 para sa pinsalang naidulot niya sa kotse ni Gonzales.
Nitong Martes, nang tanungin tungkol sa umano’y pagka-antala ng pagsasampa ng reklamo, ipinaliwanag ni Torre na bagama’t nangyari ang insidente noong Agosto 8, lumitaw lamang sa social media ang video noong Agosto 27.
Pinabulaanan niya rin ang mga alegasyong tumulong ang pulisya sa umano’y kasunduan nina Gonzales at ng siklista, at sinabing propesyunal na umakto ang kaniyang mga tauhan hinggil sa insidente.
Sinabi ng Philippine National Police nitong Martes na pinaplano nitong magsampa ng mga karagdagang kasong kriminal, kabilang ang reklamo para sa grave threat, laban kay Gonzales. — RSJ, GMA Integrated News