May kakaibang pagkilos ang isang inirereklamong kawatan, dahil nag-iiwan ito ng tsinelas kapalit ng mga gamit na kaniyang ninanakaw sa isang bahay sa Taguig City.
Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa CCTV ang simple pero mabilis na paglalakad ng lalaking kawatan habang dala-dala ang isang bag.
Laman ng bitbit niyang bag ang mga nakaw na gadget mula sa isang bahay, na aabot sa P50,000 ang halaga.
Tumangay din ang suspek ng tsinelas at kaniya itong sinuot sa pag-alis.
Dalawang beses na umanong ninanakawan ang isang 33-anyos na call center agent at ang kaniyang nobya, na nakatira sa ikatlong palapag ng isang apartment building.
Sinuot umano ng suspek ang kaniyang braso sa loob ng bintana bago binuksan ang doorknob para makapasok sa bahay.
Pero sa ikalawang pagnanakaw ng suspek, nag-iwan na siya ng marka dahil nag-iwan siya ng tsinelas kapalit ng una niyang ninakaw.
Kaparehong brand umano ang iniwang tsinelas mula sa una niyang ninakaw, pero peke nga lang.
“Kumbaga, parang hindi normal sa isang magnanakaw na mag-iiwan ng sariling gamit sa crime scene. Hindi siya normal na tao,” sabi ng biktima.
Nang ilapit ng biktima ang pagnanakaw sa mga awtoridad, hindi umano ito inimbestigahan.
Sinabihan pa ang lalaki ng nakausap na pulis na lumipat na lang ng tirahan.
Iniimbestigahan na ito ng Taguig Police.—Jamil Santos/LDF, GMA Integrated News