Mababawasan na ang abala sa pagkuha ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), dahil maaari nang pumunta ang tao sa satellite offices na malalapit sa kanilang lugar para magproseso.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing simula Huwebes, hindi na lang sa main office maaaring magproseso ng AICS.
Sa mga taga-Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela, maaaring puntahan ang CAMANAVA office sa Victory Trade Plaza para sa AICS.
Sa mga taga-Pasay, Parañaque, Muntinlupa at Las Piñas naman, maaaring puntahan ang DSWD Baclaran Satallite Office sa Victory Food Market.
Ang mga taga-Norzagaray, Sta. Maria, Angat at San Jose Del Monte, Bulacan naman ay maaaring pumunta sa DSWD SJDM Satellite Office sa Barangay Kaypian.
Ang mga taga-Maynila, San Juan, Mandaluyong at Makati City ay maaaring magtungo sa DSWD NCR Regional Office.
Ang mga taga-Quezon City naman ay sa DSWD Central Office sa Batasan Road maaaring magproseso ng kanilang AICS.
Magbubukas din ang satellite offices sa Pasig at Rodriguez, Rizal.
Ang AICS ng DSWD ay isang financial assistance program na bukas sa lahat ng Pilipino na nakararanas ng anumang uri ng krisis. —LBG, GMA Integrated News