Ipinapahid sa kanilang mga katawan at iniinom pa ng mga deboto sa isang lugar sa Gainza, Camarines Sur, ang tubig na ginagamit sa pagpapaligo sa tatlong imahen nila ng Santo Entierro, dahil sa paniniwalang may hatid itong milagro.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” mapapanood ang pagpapaligo ng mga taga-Barangay Cagbunga sa mga imahen ng patay na Hesus, na tinatawag nilang Tatlong Hinulid, mula ulo hanggang katawan.
 
Tradisyon na nila ito tuwing Huwebes Santo.
 
Matapos ipanligo sa Tatlong Hinulid, ipinapahid na ng mga deboto sa kanilang mga katawan at iniinom pa ang tubig na nagmula sa balon.
 
Inilalagay naman nila sa balde na may tubig ang mga bulak na ginamit sa paglilinis ng mga rebulto. Matapos nito, gagawing holy water ang tubig na pinagbabaran ng mga bulak.
 
Nakalagak ang tatlong life-sized na mga imahen sa isang kapilya sa Barangay Cagbunga.
 
Ang pinakamalaki ang Diyos Ama, na may hawak na figurine ng tupa, samantalang ang Ina naman ay may hawak na ibon. Ang Diyos Anak ang siyang bukod tanging nakadilat.
 
Ayon kay Nanay Toyang, na siyang tagapangalaga ng mga imahen, may sarili umanong buhay ang mga ito, dahil minsan na raw siyang inatake ng high blood pressure nang minsang hindi siya sumunod sa utos.
 
Si Nanay Rosita naman na isa sa taunang nagpupunta sa pagpapaligo sa Tatlong Hinulid, gumaling ang goiter matapos ipahid ang tubig na ginagawa niyang langis.
 
Natugunan naman ng Tatlong Hinulid ang problema sa love life ni Roslie Opinion nang uminom siya ng ipinanligong tubig sa mga imahen. Nakakilala siya ng isang butihing asawa, nagkaroon ng apat na videoke at sariling lupa at bahay.
 
Si Tatay Clemente Isidro ang pangulo ng samahang Cagbunga de Barangay Pintuan ng Langit at nagpakilalang kamag-anak ng mga sinaunang may-ari ng mga imahen na si Mamang Ayong.
 
Ayon kay Tatay Clemente, ika-15 siglo noong magkaroon ng malakas na bagyo nang gisingin si Mamang Ayong ng isang tinig at niyaya siyang pumunta sa ilog.
 
Sa ilog nakuha ni Mamang Ayong ang Diyos Ama.
 
Muling nagkaroon ng bagyo sa pangalawang taon, at nakuha naman ni Mamang Ayong ang Diyos Ina. At sa pangatlo, ang Diyos Anak na ang kaniyang nakuha.
 
Bago naman nagkaroon ng pandemya, nagbabala na ang Espiritu Santo sa kanilang “divino” sa pangalawang pangulo ng pangkat na si Maria Elsa Isidro sa pamamagitan ng panaginip.
 
Kailangan umanong maiprusisyon sa tubig ang Tatlong Hinulid. Gayunman, hindi pumayag ang barangay at nabigo silang iprusisyon ito sa Mahal na Araw.
 
Nagsagawa na lamang sila ng espesyal na pagtitipon na Pandasan na kanilang ginagawa tuwing kabilugan ng buwan.
 
Sa pagsasagawa nila ng ritwal, may isang lalaking sinapian ng kaluluwa umano ni Mamang Ayong. Ano kaya ang kaniyang mensahe sa mga deboto ng kanilang samahan? Tunghayan sa “KMJS.”  —VBL, GMA Integrated News