Arestado ang isang lalaki na dumalaw sa kulungan matapos mabisto ang mga drogang itinago niya sa sunflower seeds para sa “meryenda” ng isang preso sa Lebanon.

Ayon sa Internal Security Forces, na iniulat din ng GMA News Feed, tatlong bag ng sunflower seeds ang dala ng lalaki.

Pero kahina-hinala ang kilos ng suspek kaya minabuti ng mga awtoridad na buksan at busisiin ang dala niyang mga buto.

At nang buksan ang mga buto, nabisto ang mga hinati-hating tableta ng mga drogang Captagon at Artane.

Isang uri ng amphetamine na ginagamit bilang stimulant ang Captagon, isang muscle relaxant naman ang Artane na kadalasang ginagamit ng mga pasyenteng may Parkinson’s disease.

Bagaman ginagamit bilang medisina, ipinagbabawal ang distribution nito kung walang reseta dahil highly addictive at posibleng maabuso ang paggamit.

Samantala sa India, nabuking sa customs ang mga gintong itinago sa loob ng sapatos ng tatlong pasaherong may dala ng mga ito sa Chhatrapati Shivaji Maharaj International Airport.

Umabot sa tatlong kilo ang bigat ng mga nakuhang ginto, na tinatayang nasa $170,000 ang halaga o katumbas ng mahigit P9 milyon.

Hindi agad naglabas ng impormasyon ang Mumbai customs hinggil sa pagkakakilanlan ng mga dayuhang inaresto pati na kung saan nila sana nakatakdang dalhin ang mga ginto.  —VBL, GMA Integrated News