Tila mapapakanta ng “ABC Song” ang mga tao kung babasahin ang mga birth certificate ng tatlong magkakapatid dahil ang mga pangalan nilang “Abcde,” “Ghij” at “Xyza,” hinango sa mga titik ng alpabeto.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Kuya Kim Atienza, sinabi ni Abcde, na kilala rin bilang si Abby, mahirap at nakalilitong bigkasin ang kaniyang pangalan.
“Tatanungin nila ako, totoo ba? ‘Yan ba talaga ang pangalan mo?’ Sasabihin ko ‘Oo, Abcde, pangalan ko talaga Abcde,” sabi ni Abcde.
“Jig” o “Gig” naman ang basa ng ibang tao sa pangalan ni Ghij, pero si Xyza o tinatawag ding “Sayza” ang may pinakamadaling bigkasin na pangalan.
Ang kanilang amang si Florian ang nakaisip na bigyan ang kaniyang mga anak ng kakaibang pangalan.
“I was tempted nga na pangalanan sila ng One, Two and Three noon. Pwede na siguro alphabet na lang. Fine-frame ko kung paano. Sabi ko ‘Abcde, okay naman kasi mapo-pronounce mo naman. Tapos tanggalin ‘yung F, sunod ay Ghij. And then ‘yung Xyza, X, Y, Z, balik sa A,” sabi ng amang si Florian.
“Hindi naman po nagtataka kasi napag-usapan naman po namin noong umpisa lang bago pa sila ipinanganak… Unique raw, may dagdag din na kagandahan,” sabi ni Rita Reynado, ina ng magkakapatid.
Kaya naman maingat ang magkakapatid na Reynado sa kanilang mga dokumento para maiwasang malito ang marami.
Minsan nang binago ng guro ni Abcde ang kaniyang pangalan sa isang attendance sheet dahil akala niya ay wrong spelling lang ito.
“Inayos niya talaga ‘yung attendance sheet kasi hindi siya naniniwalang ‘Abcde’ ang pangalan ko. Pinalitan niya ng ‘O’ ‘yung ‘C.’ Kaya ang tawag niya sa akin ‘Abode.’ Akala niya rin po lalaki ako. Nagulat siya na pag-raise ko ng hand, babae,” kuwento ni Abcde.
Bukod dito, lagi ring alisto si Abcde sa spelling ng kaniyang pangalan, lalo’t mahirap maghabol ng records sa mga engineering student tulad niya.
Napagkamalan ding maling spelling ang pangalan ni Xyza.
Kakaiba man ang kanilang pangalan, proud sila sa ibinigay na katawagan sa kanila ng kanilang mga magulang.
“I will never change my name,” sabi ni Abcde.
“Gusto ko talaga na tinatawag ako ng name na ito kasi ang ganda pakinggan,” sabi ni Xyza.
“Isa nga po talaga ito sa nagpa-unique ng aking pagkatao tsaka sa aking buong buhay,” sabi ni Ghij. — VBL, GMA Integrated News