Ipinagmalaki ni AiAi delas Alas ang pagiging matino ng kaniyang asawang si Gerald Sibayan, kaya nakapag-renewal of vows pa sila sa kanilang ikalimang anibersaryo bilang mag-asawa.

Sa isang video ng Kapuso Showbiz News, tinanong ng media si AiAi kung bakit nila naisipan ni Gerald na muling magsumpaan ng kanilang pagmamahalan.

"Kasi maiksi ang buhay. Ngayon lang ako nagkaroon ng asawa na maayos, na nagkaroon kami ng fifth year wedding anniversary," saad ng Kapuso Comedy Queen.

"So looking forward ako to 10 years. Kumbaga parati kaming magre-renew, five, 10, 15, 20, para maiba naman," ani AiAi.

Ayon kay AiAi, walang makapagsasabi ng oras para sa isang tao kaya sinulit na niya ang pagkakataon.

"Kasi 'yung iba nakakainggit, may renewal of vows sila ng 10 years, 20 years. Dyusko, baka naman hindi na ako tumagal ng 10 years 'no? Ma-tegi-bam-bam na ako. At least naranasan kong mag-renew," biro ng komedyana.

Bumiyahe pa-Las Vegas sina AiAi at Gerald noong nakaraang buwan para sa kanilang renewal of vows upang patatagin pa ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa.

Nitong nakaraang Agosto, sinabi ni AiAi na mayroon na siyang trabaho sa San Francisco, California.

Limang taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina AiAi at Gerald na ikinasal noong December 2017.

Sa kabila ng mga puna dahil sa malaking agwat ng kanilang edad, nananatiling matatag ang magsasama ng mag-asawa.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News