Malinis ang tubig at mayaman sa iba't ibang uri ng isda, ngunit matagal nang hindi napupuntahan ng mga turista ang isang natatagong diving spot sa San Juan, Batangas. Kaya naman ang "Biyahe ni Drew," sinulit ang pagkakataon para bisitahin ito.

Sa pagsisid ni Biyahero Drew, samu't saring mga lamang dagat at korales ang kaniyang nakita kasama ang Batangas Scuba Academy.

Base sa kanilang obserbasyon, pati mga isda ay tila nagulat sa pagbisita ng divers, dahil tila matagal nang walang sumisisid sa beach.

Kung gusto namang magpahinga sa isang mala-Santorini, Greece na lugar, nariyan ang Casa Amara sa Brgy. Imelda na pagmamay-ari ng Pinay na si Gemma Kolb at asawa niyang German.

Secluded ang resort kaya mainam ito sa mga naghahanap ng privacy.

May mga kwarto silang puwede sa apat, anim, at 12 hanggang 30 na katao na nagkakahalaga ng P9,000 hanggang P50,000 kada gabi. Mayroon ding mga private pool at jacuzzi ang bawat kwarto, at makakapag-relax dahil nakaharap sa Tayabas Bay ang resort.

Sa Club Laiya sa San Juan pa rin, tampok naman ang mga cocoon-inspired rooms na kasya para sa dalawang katao sa halagang P5,300 hanggang P6,700.

Mayroon din silang water activities tulad ng pagpapaikot sa UFO o pagsakay sa banana boat.

Hi-tech naman ang kanilang mga camper van na malapit lamang sa beach.—Jamil Santos/AOL, GMA Integrated News