Sa edad na siyam na taong gulang, nakitaan na ng talento ang isang batang lalaki sa Novaliches, Quezon City, na kayang magpatugtog ng iba't ibang instrumento at kabisado rin ang mga watawat ng mga bansa.
Sa ulat ni Nico Waje sa “Unang Balita” nitong Martes, ipinakilala si Elijah Adi Bulatao, na kayang tumugtog ng drums, gitara na acoustic at electric, at keyboard.
"I am thankful sa God na nagbigay sa akin ng talent po," sabi ni Elijah.
Sinabi ng kaniyang inang si Mellie Bulatao na maaga nilang nakitaan ng talento si Elijah.
"'Yung gift niya sa music, sa pagda-drums, as early as one year old. Nakikita namin po siya na nag-strum, pumupukpok na ng anything na hawak niya. Then slowly nakikita namin na may potential talaga," sabi ni Mellie.
Simula noon, nagtulong ang mga magulang ni Elijah para palaguin ang kaniyang talento.
"Doon ako naniwala na may bata talaga na gifted, na blessed talaga sa ganu'ng talent, nabiyayaan ng gift. Ino-nourish mo na lang, inu-nurture mo, susuportahan, i-develop until maging mas mahusay siya," sabi ni Mellie.
Maliban sa kaniyang talento sa musika, kabisado rin ni Elijah ang mga watawat ng mga bansa.
"Paano ko siya na-memorize, is just may napanood ako sa YouTube, tapos may flags doon with a capital below," sabi ni Elijah.
Consistent top 1 din sa klase ang bata mula nang mag-aral.
"Meron tayong tinatawag na nature and nurture. Ibig sabihin, kahit may talento ang isang bata, kung hindi naman mahahasa at hindi susuportahan ng magulang, mababalewala. Kaya napakahalaga ng support ng family sa isang batang ganito," sabi ni Dr. Raul Gaña, isang child behavior expert.
Bukod dito, kailangan ding pangalagaan ng mga magulang ang damdamin ng mga batang gifted o genius, dahil maaaring bumaba ang kanilang self-esteem kapag sila ay nagkamali o hindi nakamit ang expectation ng mga magulang.
Kaya naman hayaang maging bata ang mga bata, at payagang maglaro at maglibot kasama ang ibang mga bata. — VBL, GMA Integrated News