Sa edad na 13, kamangha-mangha na ang lawak ng kaalaman ng isang batang lalaki tungkol sa mga batas sa Pilipinas. Ang wonder kid ng Tondo, Maynila, may isinusulat nang libro na nasa 300 pahina na.
Sa ulat ni Nico Waje sa “Unang Balita” nitong Martes, ipinakilala si Dwight Kyle Albajeso, na siyam na taong gulang noon nang magsimulang magbasa ng mga libro tungkol sa batas, na pagmamay-ari ng kaniyang ama na isang criminology professor.
"Na-realize ng daddy ko po na meron daw po akong gift sa pagkabisado po at pag-research ng mga bagay po," sabi ni Dwight.
Kaya naman henyo ang turing ng kaniyang ama kay Kyle.
"Na-shock ako eh, para akong nakakita ng isang brilliant student ko at the age of gano'n, bakit sa tagal ko nang nagtuturo [in] different schools, sabi ko there's something weird sa kaniya na na-shock ako noong umpisa," sabi ni Principe Jose Albajeso, ama ni Kyle.
Simula noon, hindi na bumitaw si Principe sa paggabay sa kaniyang anak.
"Sobrang flattered ako. Salamat sa Diyos kasi binigyan niya ako [ng ganitong anak]" sabi ni Principe.
May isinusulat na ngayong libro si Dwight na ayon sa kaniya, nasa 300 pages na.
"Isa po siyang libro tungkol sa victimology, which is tungkol sa pag-aaral ng biktima, criminals at iba't ibang bagay. Dito, gusto ko pong mag-focus sa mga biktima kasi ang mga biktima po forgotten po sila. Kapag pinakinggan ko po, criminal justice system, dapat victim justice system kasi sila 'yung nangangailangan ng totoong tulong," sabi ni Dwight.
Naimbitahan na si Dwight ng National Bureau of Investigation para maging resource speaker kung saan tinalakay niya ang tungkol sa transnational crimes. — VBL, GMA Integrated News