Hinihiling ngayon ng ilang evacuees sa Maguindanao Del Norte ang makauwi na sa kanila mga bahay dahil nagkakasakit na sila sa mga evacuation center. Ang problema, halos karamihan sa kanila ang wala ng bahay na uuwian.
Sa ulat ni Jestoni Jumamil ng GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing kasama ni Kamsali Dimalanda ang kaniyang mga kapatid at ang ina na-stroke sa isang evacuation center sa Datu Odin Sinsuat.
Dito sila pansamantalang nanunuluyan matapos masira ang kanilang bahay sa Sitio Dinabon, Barangay Kusiong dahil sa landslide na dulot ng bagyong Paeng.
Malapit ang bahay nila Dimalanta sa mismong lugar kung saan nangyari ang trahedya.
“Gusto na talaga namin umuwi… lagnat sir, tapos kapag naalis ang lagnat ubo naman ang kapalit,” aniya.
“Opo kasi nagkasakit na po ako,” dagdag pa ng isang evacuee.
Ayon sa Municipal Health Office ng Datu Odin Sinsuat, sinisiguro naman nilang sapat ang supply ng gamot lalo na sa sipon, ubo, lagnat, at iba pa para sa mga evacuees.
Naka-standby din daw sila sa mga evacuation centers ng lungsod upang matutukan ang kalusugan ng may sakit.
“Actually, ‘yung problema sa evacuation center ‘yung pinaka problema ay sipon, ubo, which is normal kasi nung dumating sila siyempre naulanan, tapos medyo siksikan nung una,” saad ni Dr. Anwar Nur.
Halos 300 na pamilya ang inilikas sa Broce Elementary School mula sa 'ground zero' sa Barangay Kusiong kung saan halos karamihan sa kanila ay wala ng bahay na uuwian.
Gayunman, sinabi ng school nurse na si Cherry Rose Abdula na ilang evacuees na rin ang nagsi-uwian at nakituloy na lang sa kanilang mga kamag-anak.
Wala naman daw problema sa relief goods dahil halos araw-araw ay may dumarating na tulong mula sa gobyerno, maging sa mga pribadong sektor at volunteers, ayon pa kay Abdula.
“May ibang nag-suggest na pwede na daw ba silang umuwi. So nagkaroon kami ng parang census na pagpipilian let’s say, sino na ‘yung gustong umuwi na may uuwian pang bahay. Tapos second, ‘yung gusto nang umuwi pero walang bahay at makikituloy,” aniya.
Samantala, nangako naman ang LGU nga Datu Odin Sinuat na tutulungan ang mga residente lalo na ang mga apektado pamilya na wala na talagang bahay na uuwian.—Mel Matthew Doctor/LDF, GMA News