Madalas nang iniiwasan ng mga tao ang mga paniki, uwak, ahas at kagwang dahil sa kanilang hitsura at reputasyon bilang mga hayop na may relasyon umano sa kadiliman. Dapat nga ba silang katakutan, o mayroon silang mabuting ambag para sa kalikasan?

Sa "Tales From the Wild" na Halloween Special ng "Born To Be Wild," sinabing ang mga paniki ay isa sa mga hayop na naghihintay ng dilim para maging aktibo at maghasik umano ng lagim.

Nakatira sila sa mga kuweba, na ayon sa mga alamat ng mga Pilipino ay tirahan ng mga masasamang elemento. Base naman sa mga kuwentong katatakutan, nagpapalit ng anyo si Dracula para maging isang paniki.

Isa sa mga kahinaan ng mga paniki ang araw, na kanilang iniiwasan sa takot na masunog ang kanilang mga balat.

Ngunit ang kanilang pagiging nocturnal o aktibo sa gabi ay hindi nangangahulugang takot sila sa araw, kundi iniiwasan lamang nilang makipagkumpitensiya sa iba pang predator sa umaga tulad ng mga ibong raptors.

Kaya tuwing may araw, ilan sa mga paniki ang naglilinis ng katawan, at nagpapahinga at natutulog. Sumasabit sila sa kisame ng kuweba gamit ang matutulis nilang kuko.

Samantala, pinaniniwalaan namang simbolo ng itim na mahika at kamatayan ang mga uwak, na kalaban ng mga paniki.

Paboritong diet ng mga uwak ang mga paniki, kaya naman umiiwas na lamang ang mga paniki sa dumaragit na uwak.

Taliwas sa iniisip ng ilan na kampon ng kadiliman ang uwak, may ginagawang kabutihan ang mga uwak sa kalikasan, dahil tinutulungan nilang balansehin ang dami ng hayop sa kapaligiran.

Kinatatakutan ding nilalang ang mga ahas dahil sa nanlilisik nilang mga mata, makaliskis na katawan at panunuklaw bilang kanilang pandepensa.

Ayon sa mga kuwento, nag-a-anyong ahas ang demonyo para linlangin ang mga sinaunang tao, kaya naman madalas sabihin ng mga tao na huwag magtitiwala sa ahas.

Minsan na ring nabiktima ng kagat ng ahas si Dr. Nielsen Donato nang subukan niyang sagipin ang isang reticulated python.

Makikita sa isang episode ng Born To Be Wild na dumugo ang kamay ni Dr. Donato nang bumaon dito ang matatalas na ngipin ng ahas.

Ngunit ayon kay Dr. Donato, hindi ito kasalanan ng ahas, na ginawa lamang ito para depensahan ang sarili kung malalagay sa panganib.

Sa Bilar, Bohol naman, naririnig ang ingay ng mga maitim at mabalahibong Philippine flying lemur o mga kagwang sa kagubatan.

Mala-aswang ang kilos ng mga kagwang, at nakikitang palipat-lipat sa puno at lumilipad para maghanap ng pagkain.

Gayunman, hindi karne ang hanap ng mga kagwang kundi mga dahon ng puno.

Hindi rin panakot ang ingay na naririnig mula sa kanila, kundi nagsisilbi nilang komunikasyon o kumustahan sa kanilang mga kauri.

Sa kabila ng iniisip ng ilang tao na mga kampon ng kasamaan, napakalaki ng naitutulong ng mga paniki at kagwang sa kalikasan, dahil sila ay seed dispersers at pollinators, samantalang ang mga ahas at uwak naman ay nagbabalanse ng mga hayop na posibleng peste tulad ng insekto, daga at palaka.
— VBL, GMA News