Libo-libong halaga ng pera ang kumalat sa kalsada matapos itapon ng mga kawatan ang isang bag na kanilang ninakaw habang hinahabol sila ng mga pulis sa Santiago, Chile.

Sa ulat ng GMA News Feed, makikita sa CCTV na humaharurot ang sasakyan ng mga kawatan sa isang highway, nang mahulog ang bag.

Dito na sumambulat ang libo-libong perang papel sa gitna ng trapiko.

Bago nito, nagnakaw umano ng pera ang mga kawatan sa isang tindahan na aabot sa 10 milyong Chilean pesos o mahigit P600,000 ang halaga.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na sinadya ng mga magnanakaw na itapon ang bag sa bintana ng kanilang sasakyan para magkalat ang pera sa gitna ng highway.

Pinatigil naman ng pulisya ang mga dumadaan na mga sasakyan para pulutin ang mga sumambulat na pera.

Arestado ang anim na katao na sangkot sa nakawan matapos ang habulan.

Napag-alamang may dati na ring record ng pagnanakaw ang mga suspek. — Jamil Santos/VBL, GMA News