Naging tampulan ng panghuhusga at nakatatanggap pa ng death threats ang isang babae matapos niyang pakasalan ang isang plus-size na aktor sa United Kingdom na kaniyang natipuhan nang mapanood ito sa isang British sitcom.
Sa GMA News Feed, sinabing inuulan din ng hate comments ang personal trainer na si Sienna Keera, na taga-Australia, dahil sa hitsura ng kaniyang mister na si George Keywood.
Nagsimula ang kanilang pagmamahalan nang mapanood ni Keera si Keywood sa isang British sitcom at magustuhan ang artista.
Nagpadala si Keera ng mensahe sa Instagram account ni Keywood at nagsimula silang magkausap, hanggang sa magkasundo silang magkita na nang personal.
Tatlong taon matapos nilang magkita, nagpakasal sina Keera at Keywood at bumuo ng pamilya.
Gayunman, inulan sila ng mga negatibong komento online dahil sa hitsura ng mister na si Keywood.
"There's so much judgment because I'm bigger, yet men who like curvier women don't receive any hate. People can't stand the fact a fat man has an attractive wife," sabi ni Keywood.
"People call me a 'gold digger' and say George should think about his health... We want to break the stigma around different sizes in relationships and you don't have to change yourself to find love or to be happy," sabi ni Keera.
Sa kabila ng walang tigil na tirada ng netizens sa mag-asawa, nagdesisyon sila na maging content creators at pinalagan ang trolls.
Ngayon, kumikita na ang couple ng hanggang £10,000 o katumbas ng mahigit P600,000 kada buwan mula sa kanilang social media pages.
Nakabuo na rin sila ng online community na sumusuporta sa mga plus-size na babae at lalaki.
"It breaks my heart that people attack others online just for being different. I genuinely couldn't care less. You're not going to achieve anything through being horrible," sabi ni Keywood. — VBL, GMA News