Nakatakda nang sumailalim sa gamutan sa tulong ng GMA Kapuso Foundation ang isang batang lalaking taga-Isabela na may lumalaki at namamagang dila dahil sa isang pambihirang kondisyon.
Sa 24 Oras, sinabing Hunyo 2021 nang bisitahin ng GMA Kapuso Foundation si Jay-R Almazan.
"May nakain siyang kontra, pumunta sa dila niya, sumasakit po at saka lumalaki," sabi ni Leonardo Almazan Jr., tatay ni Jay-R.
Hiling ni Leonardo na makakain na nang maayos at makapag-aral si Jay-R.
Tumigil ang gamutan ni Jay-R dahil sa COVID-19 pandemic noong 2021.
Ngunit sa pagbaba ng mga kaso ngayong 2022, binalikan ng GMA Kapuso Foundation si Jay-R.
Dinala si Jay-R patungong Maynila sa tulong ng 5th Infantry Division ng Philippine Army ng Isabela, at pinatingnan kay Dr. Gil Vicente, isang senior ENT consultant.
"Ang diagnosis natin ay Hemangiolymphangioma. Pag sinabing Hemangio, dugo ang component nito at the same time may lymphatic system doon," sabi ni Dr. Vicente.
Sinabi pa ni Dr. Vicente na isa sa bawat 12,000 bata ang nagkakaroon nito.
Sumailalim na sa CT scan si Jay-R para matukoy ang klase ng bukol na mayroon siya.
Samantala, napatingin na rin sa angiogram si Gadiel Caagusan ng Maynila, na halos may kaparehas na kondisyon kay Jay-R.
Tumatanggap ng donasyon ang GMA Kapuso Foundation para kina Jay-R at Gadiel sa pamamagitan ng website nito. —LBG, GMA News