Ilang araw matapos iulat na nawawala, nakitang buhay at nakatali sa kaniyang sasakyan ang isang pari sa Cavite. Ang pulisya, inaalam pa kung dinukot ba talaga ang alagad ng Simbahan.
Sa panayam ng Dobol B TV nitong Lunes, sinabi ni Rosario, Cavite Police chief Police Lieutenant Colonel Ruther Saquilayan, na hindi pa nila nakakausap si Father Leoben Peregrino dahil na rin sa payo ng duktor ng pari.
“Wala pa po kaming idea kung ito po ay talagang dinukot. Sa ngayon po ang makakapagbigay linaw talaga ay si Father lang po kung ano ang tunay na nangyari sa kanya,” anang opisyal.
Hinihintay pa rin umano ng pulisya ang abiso ng duktor kung kailan nila puwedeng kausapin si Fr. Peregrin, parish priest ng Most Holy Rosary Parish, na nakaratay pa sa ospital.
“Sa ngayon blangko pa po kami dahil nga po sa CCTV na kinakalap po namin, nagsasagawa po kami ng backtracking simula po doon sa lugar kung saan siya natagpuan at doon sa lugar kung saan siya nanggaling,” ayon kay Saquilayan
Batay sa nakalap na impormasyon sa kapatid ng pari at driver nito, sinabi ni Saquilayan na tila balisa umano si Peregrino sa nakalipas na ilang linggo bago nangyari ang insidente.
Sinabihan din umano ng pari ang kapatid nito na asikasuhin ang kanilang negosyo dahil aalis siya.
Karaniwan din umanong kasama ni Fr. Peregrino ang driver nito kapag bumili ng kandila. Pero nang araw na nawala siya, mag-isa lang ang pari at iniwan ang kaniyang cellphone.
Dalawang araw na nawala si Peregrino bago natagpuan na buhay, nakatali at walang malay sa kaniyang sasakyan noong Linggo sa Silang, Cavite. —FRJ, GMA News