Inaresto ng Quezon City Police Department ang tatlong suspek sa pamemeke umano ng negative RT-PCR test results na ibenebenta sa mga nagbebiyahe papuntang probinsya.
Ayon sa mga ulat ni Marisol Abdurahman ng GMA News para sa Unang Balita nitong Biyernes, isang pamilya sana ang pupunta sa Iloilo, ngunit nang i-scan ang nasabing swab test result ay may ibang pangalan na lumabas.
Ayon sa ulat, sa dokumento ay may logo at pangalan ng Philippine Red Cross. Nang ipinasuri naman ito ng QCPD, napatunayang peke ito.
Ayon sa mga biktima, itinatayang P16,000 ang ibinayad nila para sa kanilang ticket at swab test results, kahit wala namang isinagawang swab testing.
Giit naman ng mga suspects na sina Bonifacio Bautista, Guild Cadilo, at Alberto Bautista, wala raw silang kinalaman sa mga pekeng swab test results.
Sinampahan ng kaukulang reklamo ang mga suspek na nakakulong ngayon na sa Station 7 ng QCPD. Patuloy pa rin ang pagtugis sa kanilang mga kasamahan.
Pinaaalahanan ang mga babyahe ngayong Undas na mag-ingat sa mga namemeke ng swab test results. — Sherilyn Untalan/RSJ, GMA News