Dalawa ang patay kabilang na ang isang PWD (person with disability) matapos masunog ang isang lumang residential building sa Barangay Pagasa,  Quezon City bandang alas otso Biyernes ng gabi.

Magkapatid ang mga biktima na kinilalang sina Juanita Ramo, 58 at Silvestre Ramo, 63,  na naka-wheelchair noon.

Nakatira ang mga ito sa ikalimang palapag ng gusali.

Sa ikaapat na palapag naman nagsimula ang apoy.

Ayon kay Bureau of Fire Protection Quezon City District Director Senior Superintendent Joe Bangyod, na-suffocate ang dalawang biktima lalo na at paakyat sa kanilang unit ang usok.

Sa mismong unit kung saan nagmula ang apoy, marami anya ang nakatambak na papel at mayroon pang mga gulong.

Doon din sa unit na 'yon nakita ng isang residente ang isang nasusunog na aircon. Kaya kuryente ang isa sa tinitingnang dahilan ng sunog ng mga bumbero.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog na tumagal ng isang oras at walong pamilya ang apektado at nakikitira muna sila sa kanilang mga kaanak.

Ang halaga ng pinsala sa istraktura ay maaring umabot ng P150,000. --- BAP, GMA News