Pumanaw na ang kilalang manghuhula na si Madam Auring, o Aurea Erfelo sa totoong buhay, sa edad 80.

Ito ang inanunsyo ng kaniyang apo na si Daryl Simon Pecson sa isang Facebook post nitong Biyernes, Oktubre 30, na kinumpirma niya rin sa GMA News Online.

 

#RestInPeace my Lola ???? few days ago binisita kita magkausap lang tayo, dinalhan kita ng mga pasalubong at mga...

Posted by Simon Pecson on Thursday, October 29, 2020

 

"Grabe ang pinagdaanan mo during your senior years pero you still worked hard for your family (us) i feel sad and happy," komento ni Simon sa kaniyang lola.

"Sad kasi i will never see you again, mga wisdom words mo, korni jokes, happy bondings, and pagkurot sa aking pisngi hanggang mamula. Happy ako kasi you have done everything you could to make us feel loved the way you know how, your struggles are over. You fought your battles silently. Magkikita na kayo ni Mama sa kabilang buhay," dagdag pa ni Simon.

Hindi pa nagdedetalye ang pamilya ni Madam Auring tungkol sa kaniyang pagkamatay, pero nauna nang inilahad ng isa pa niyang apo na si Mike Gibran na nasa ospital si Madam Auring nang madiwang ito ng kaarawan nitong Marso.

 

Today is your special day. Kaso nasa hospital ka instead of enjoying your birthday. Happy Birthday lola..

Posted by Pecson Mike Gibran on Tuesday, March 10, 2020

 

Ipinanganak noong Marso 11, 1940, kilala rin si Madam Auring bilang isang aktres. 

Isa sa kaniyang mga hinulaan ang tagumpay ni Muhammad Ali sa “Thrilla in Manila" noong 1975.

Nahulaan din umano ni Madam Auring ang pagkapanalo ni Filipina beauty queen Amparo Munoz sa Miss Universe noong 1974. — Jamil Santos/RSJ, GMA News