Ibinahagi ni Senador Ramon "Bong" Revilla Jr. ang nararanasan niya habang nilalabanan ang COVID-19.
"Giniginaw ako. Nagchi-chills ho ako. Ang hirap pala nito. Walang makatulong sa iyo, mag-isa ka," saad ng senador sa kaniyang Facebook live video nitong Lunes ng umaga.
"Ang hirap ng ganito hindi mo puwedeng asa-asahan ang pamilya mo, kahit mga tao mo. Ikaw lang ang puwede maka... You have to be responsible 'pag nagkaroon ka ng ganitong sakit," patuloy pa ni Revilla na naka-isolate na para hindi makahawa ng iba.
Ayon pa sa senador, nakakaranas din siya ng lagnat at bahagyang ubo. Mahapdi rin umano ang balat sa kaniyang mukha kapag hinawakan.
Bukod sa mga gamot, umiinom din umano siya ng mga bitamina.
Nitong Linggo nang anunsiyo ni Revilla na nagpositibo siya sa COVID-19.
Una raw niyang inakala na allergy lang o sore eyes ang kaniyang nararamdaman.
"Noong nag-start ako parang may allergy sa mata ko namumula... akala ko sore eyes. Thursday talagang akala ko sore eyes talaga pero hindi," pahayag niya kaya nagpasuri siya sa opthalmologist na nagsabi sa kaniya na posibleng sintomas iyon ng virus.
"Noong sinabi ng doktor 'yun, nag-isolate na rin ako kaagad tapos nagpa-swab ako," saad niya.
"Ang daming pagsubok na pinagdadaanan, kamamatay lang ng tatay ko pero if it's your time, it's your time... so I prayed last night bago ako matulog sabi ko nga, 'Lord total surrender ako sa'yo ever since, kayo po ang bahala sa akin. Alam kong 'di Ninyo ako pababayaan,'" patuloy niya.
Bukod kay Revilla, tinamaan din ng COVID-19 at gumaling ang mga senador na sina Miguel Zubiri, Sonny Angara at Aquilino "Koko" Pimentel III. — FRJ, GMA News