Inanunsyo ni Dingdong Dantes na maglulunsad siya ng isang delivery application kung saan magiging rider ang mga nawalan ng trabaho sa entertainment industry. Ang ideya niyang ito, naisip niya dahil sa asawang si Marian Rivera.

Sa isang online forum kamakailan sa "Fireside," kasama ang law firm na Gorriceta Africa Caution & Saavedra, sinabi ni Dingdong na tatawagin itong “Ding Dong PH” na may layong gumawa ng social impact.

"'Yung riders na gagamitin natin, 'yung nawalan ng trabaho dito sa industriya namin... 'Yun 'yung magiging social impact niya later on. That’s the number one rule: it has to have that. Everything else will follow," saad ni Dingdong.

 

 

Nagkaroon daw ni Dingdong ng ideya nang minsang magkaproblema si Marian sa flower delivery nito.

"My wife has this flower business... home-based siya... Mayroon siyang kliyente na kailangan pagdeliver-an. Eh nagkamali ng pinto, nasira pa," kuwento ni Dingdong.

Dahil dito, si Dingdong na ang nagmadali at nag-deliver ng bagong set ng mga bulaklak sa customer gamit ang kaniyang e-scooter bike.

“Doon nagsimula ’yung idea at lumawak na lang siya in the past week," sabi ni Kapuso Primetime King.

Biro pa ni Dingdong, "You ring it, we bring it" ang magiging tagline ng online app.

Hindi man nagbigay ng iba pang detalye, sinabi ni Dingdong na hangad niya na mabuo ang app matapos mawalan ng trabaho ang kaniyang mga kasamahan sa showbiz industry.

— DVM, GMA News