Iginiit ng Philippine National Police (PNP) na walang katotohanan na may puting van na umiikot sa lansangan at nangunguha ng mga bata para kunin ang kanilang internal organ.
"Nais nating pabulaanan ang kumakalat na fake news na ito at wala po itong katotohanan. Mula pa noong 2016, na observe na natin ang fake news na ito," ani Police Brigadier General Bernard Banac, ang tagapagpahayag ng PNP, sa isang ambush interview nitong Biyernes.
Batay umano sa isinagawang cyber patrolling at open source investigations ng PNP-Anti Cybercrime Group, walang mga ulat ng pagdukot na naitala sa mga police stations at maging napaulat sa mga news network.
Idinagdag pa ni Banac na ang kumalat na video sa social media tungkol sa isang 10-taong-gulang na lalaki sa Bulacan na dinukot at tinanggalan umano ng bato o kidney ay hindi rin totoo.
"His father, Rodolfo, has appeared before the City Police Station... he said the boy had ran away from home on three separate occasions in the past and the scars on his belly were from a medical procedure back in 2016," pahayag ng opisyal.
Ang mga kumpirmadong kidnapping reports daw na natatanggap ng mga awtoridad ay may kaugnayan lang daw sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) workers at casinos, ayon pa kay Banac.
"Maliban diyan wala naman tayong natatatanggap na mga ulat na validated na may kinukuhang mga bata gamit ang puting van," idinagdag nito.
Kinukumpirma at iniimbestigahan raw ng mga awtoridad ang mga kaso ng kidnapping.
Nagbigay rin ang PNP ng mga paalala sa publiko na laging maging mapagmatyag lalo na sa gabi at ipagbigay-alam sa pulisya kung may makikitang insidente ng pagdukot.
Hindi rin daw dapat ikalat ang mga hindi kompirmadong ulat sa mga chat group o social media accounts na magdudulot lang ng takot sa iba.
Humingi rin ng tulong ang opisyal upang matigil ang pagkalat ng fake news sa pamamagitan ng pag-report dito at huwag ikalat.
"The public tend to immediately share such kind of unverified information to warn their loved ones however, they are unintentionally helping the spreading of fear to the public," aniya.
Nagbabala rin si Banac na puwedeng ma-hack ang account kung basta-basta ito isi-share.
"Sa kaka share natin, kaka-post ng mga fake news na ito ay maaaring ma-open natin 'yung mga embeded na mga accounts at maaaring ma-control po ang ating mga personal accounts," paalala niya.--FRJ, GMA News