Hindi na nadaanan pa ng mga residente ang isang improvised na tulay na gawa sa kahoy sa Bagong Silangan, Quezon City, matapos itong masira dahil sa hagupit ng bagyong "Tisoy" nitong Martes.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage na kuha sa Tagumpay Extension na nakatatawid pa ang mga residente sa naturang tulay dakong 2:00 p.m.

Dito umano dumadaan ang mga tao na papuntang San Mateo, Rizal.

Ngunit bago mag-4:00 p.m., unti-unti nang umakyat ang antas ng tubig sa ilog at nababara na sa tulay ang mga inaanod na basura.

Ilang minuto pa ang lumipas, hindi na nakikita ang tulay sa taas ng tubig hanggang sa inanod na ang ilang bahagi nito.

Nagpatuloy sa pagtaas ang tubig hanggang bago maghatinggabi.

Sa covered court ng barangay nagpalipas nang magdamag ang ilang lumikas na residente, kung saan sumilong ang 44 pamilya o katumbas 180 indibidwal sa nasa 20 modular tents.

Kabilang rito sina Aling Nida Geconcillo, kaniyang anak at apo, na mga binaha kaya agad nagsilikas.

"Wala pang ulan ang lakas na ng hangin, eh nagliliparan na nga 'yung yero ng [bahay] namin. Tapos umakyat na kami kasi [sinabihan] na kami ng barangay na lumikas dito tapos paglipat namin dito, andiyan na 'yung lakas ng ulan," sabi ni Aling Nida.

Ang mga tauhan ng Social Services Development Department ng Quezon City ang naghahanda ng pagkain para sa mga lumikas, at may mga ibinibigay din na gamot ang health center para sa mga maysakit na bata.

Samantala sa covered court ng Barangay Roxas district, 57 pamilya o katumbas ng 288 indibidwal ang nagpalipas sa magdamag na gumamit ng tatlumpung modular tents.

May ilan namang piniling maglatag na lang ng karton at doon natulog.

Papayagan na aniyang makauwi ang mga evacuee nitong Miyerkoles dahil wala nang baha sa Roxas district.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News