Naaresto na ang suspek sa pamamaril sa isang binatilyo sa Tondo, Maynila na hinihinalang nag-ugat nang dahil sa biro umanong pagbati ng "pangit." Ang suspek, itinanggi na may kinalaman siya sa krimen.

Ayon sa ulat ni Vonna Aquino sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Huwebes, kinilala ang suspek na si Mark Joseph Vasquez, na umano'y bumaril sa biktimang si Kevin Lois Monsod, matapos ang makaalitan sa kalsada.

READ: Binatilyo, patay nang barilin ng nakaalitang rider

Positibo rin siyang itinuro ng dalawang kaibigan ni Monsod na kasama ng biktima nang mangyari ang pamamaril.

"One hundred (and) one percent positive tayo na ito (Vasquez) ang nakapatay, ang bumaril at nakapatay kay Kevin Lois Monsod," sabi ni Police Lt. Col. Rey Magdaluyo, commander ng Manila Police District Station 1.

"Nandoon siya sa harap ng bahay at para bang nag-aabang o parang balisa at parang may hinihintay so hindi na tayo nag-aksaya ng panahon," dagdag ng opisyal.

Natunton ng mga pulis ang kinaroroonan ng suspek sa tulong ng CCTV. Sa video, nakitang dumaan ang naka-motorsiklong suspek sa Barangay 121.

Ipinarada niya ang kaniyang motorsiklo sa Barangay 66 at saka umuwi sa Barangay 68. Nagbihis muna ito bago niya binalikan ang motorsiklo at umalis.
Naaresto siya sa labas ng kanilang bahay.

Hindi pa na-recover ng mga pulis ang mga baril at motorsiklo na ginamit ng suspek pero patuloy raw ang paghahanap nila rito.

Todo-tanggi naman si Vasquez sa paratang laban sa kaniya.

"Hindi po ako...Kahit i-base na lang po sa oras ng CCTV na nangyari 'yun, tsaka pa-review sa CCTV ng lugar namin kung nasaan ako nung araw na 'yun," katwiran niya.

Ayon naman kay Magdaluyo; "Ito (Vasquez) ay isang drug user at 'yung lugar niya kung saan siya nahuli, ayon sa mga impormasyon na binigay ng mga barangay captain na nakasama namin, notorious 'yung lugar na 'yun sa ipinagbabawal na droga."

Nagpasalamat naman sa mga pulis ang mga magulang ng biktima.-- Margaret Claire Layug/FRJ, GMA News