Ang akala ng marami, ang “Sarung Banggi” ang pinaka-popular na Bikolano folk song, o awiting hindi matunton kung sino ang sumulat. Mali po. Hindi public domain, o pag-aari ng publiko, ang awiting ito. Isinulat ito ni Potenciano V. Gregorio, mas kilala sa pangalang Lolo Potin.
Isinilang si Lolo Potin noong May 19, 1880 sa Libog, Albay. Maliit pa lang ay magaling na siyang mag-biyolin. Kinatha niya ang liriko at musika ng Sarung Banggi nang 17 years old pa lang siya. Lider siya ng Banda de Lib-og na unang tumugtog ng “Sarung Banggi” sa plasa ng Guinobatan, Albay, noong August 15, 1910.
Nang mag-audition si Potenciano sa Philippine Constabulary Band, tinugtog niya sa banduria at piano ang “Sarung Banggi.” Na-impress si Colonel Walter H. Loving at isinama ang Bikolano sa PC Band. Ilang beses tinugtog ang Sarung Banggi sa Luneta tuwing may concerts doon kapag Linggo ng hapon. Naging instant hit ang “Sarung Banggi” sa mga naghaharana.
Iba-iba ang bersyon kung paano nasulat ang “Sarung Banggi.” Sinabi ni Justo Gregorio, pamangkin ni Potenciano, na nasulat ang awiting ito matapos marinig ng composer ang huni ng ibon at lagaslas ng hangin sa dahon.
Iba naman ang bersyon ni Resurrecion Gregorio, na apo ni Potenciano. Nasulat daw ang “Sarung Banggi” nang pumutok ng Mayon Volcano noong 1897. Naka-dedicate rin daw ang awiting ito kay Dominga Duran, na girlfriend ni Potenciano at kalauna’y naging asawa niya.
Namatay si Lolo Potin noong February 12, 1939 sa edad na 59. Kasama siya ng ilang Pilipinong musikero para makipag-tagisan nang galing sa Golden Gate International Exposition sa Amerika. Pero nagkasakit si Lolo Potin ng pneumonia at namatay habang nasa biyahe.
Noong June 1951, inawit ang “Sarung Banggi” sa pagbubukas ng United Nations General Assembly. Si General Carlos P. Romulo ng Pilipinas ang Presidente noon ng UN General Assembly. Isa ring mahusay na manunulat si Romulo at naging winner pa ng Pulitzer Prize for Journalism.
Noong May 31, 2005, iniuwi na ang mga labi ni Lolo Potin mula La Loma Cemetery pabalik sa bayan ng Santo Domingo (bagong pangalan ng bayan ng Libog) sa Albay. Inilibing ang mga labi sa cultural center ng bayan na pinangalan kay Potenciano V. Gregorio. Binigyan din ng full military honors si Lolo Potin sa Camp General Simeon Ola. At may rebulto ring gawa sa volcanic stones para sa magaling na composer.
Maliban sa “Sarung Banggi,” naisulat din ni Lolo Potin ang “Pusong Tagub nin Sakit” at ang “Hinoyop-hoyop nin Dios.” Ang mga orihinal na kopya ng “Sarung Banggi” ay nasunog nang tupukin ng apoy ang ancestral house nina Lolo Potin noong January 16, 1961.
Nawala man ang orihinal na kopya ay mananatiling buhay sa puso ng mga Bikolano at ng mga Pilipino ang “Sarung Banggi.” Usad kadi sa mga orgullo namung mga Bikolano. Isa ito sa ipinagmamalaki naming mga Bikolano.
Si Professor Danton Remoto ay nagturo ng tatlong dekada sa Ateneo de Manila University. Para sa mga komento: danton.lodestar@gmail.com