Part 1

Bilang paggunita sa ika-121 guning taong kamatayan ni Gat Dr. José Rizal na naganap noong 30 December 1896, nais nating kilalanin ang isang tao na nagpatuloy ng sinimulan ng national hero:  bilang isang Pilipino na sa kanyang pananaliksik at pagsusulat ay patuloy na naghanap ng kanyang ugat sa Timog Silangang Asya.

 

Photo ni Zeus Salazar guhit na Bon Bernardo mula sa kuha ni Xiao Chua
Photo ni Zeus Salazar guhit na Bon Bernardo mula sa kuha ni Xiao Chua

Ayon sa ilan, tila hindi bahagi ng ASEAN ang Pilipinas.  Kung titingnan, tila Kanluranin ang kulturang Pilipino—Espanyol at Amerikano.  Subalit may isang eksperto na buong buhay niya ay kaniyang pinatunayan na kung titingnan ang kaibuturan ng kulturang Pilipino ay makikita na may pagkakaugnay tayo sa ibang mga bansa sa Timog Silangang Asya.

Noong nakaraang 14 September 2017, pinarangalan si Zeus A. Salazar, Ph. D. ng isang unanimous resolution mula sa Board of Trustees ng Philippine Historical Association na kumikilala sa kanya bilang pangunahing tagapagsulong ng pagkakakilanlang Pan-Malayo.  Ginanap ito sa Manila Hotel kasabay ng International Conference na may temang “The Malay World: Connecting the Past to the Present,” ang pagkakakilanlang Dunia Melayu (Malay World) na isa siya sa pangunahing nagpandanday.

Parangal

Pagtanggap ng parangal

Ayon sa pananaliksik ni Dr. Rommel Curaming ng University of Brunei Darussalam sa kaniyang papel na “Filipinos as Malay,” kailangang kilalanin ang hindi gaanong nababanggit na papel ni Salazar, “who has done most in developing Pan-Malayan identity through scholarly efforts,” lalo na sa kaniyang mga akdang The Malayan Connection: Ang Pilipinas sa Dunia Melayu (1998) at Ang Pilipinong "Banua"/"Banwa" sa Mundong Melano-Polynesiano (2006). 

Ang mga akda raw ni Salazar ay kinikilala na “the most developed articulation thus far of a version of Pan-Malayanism as a consciously political-cultural-academic project.” 

Ngunit papaano nga bang pinagkakaisa ni Zeus Salazar ang Mundong Malayo at ang ASEAN?

Ang Pilipinas sa Dunia Melayu

Isinilang sa Tiwi, Albay noong April 29, 1934 kina Ireneo Salazar at Luz Atayza Salazar, nagtapos si Zeus ng AB Kasaysayan sa UP Diliman noong 1955, pinarangalan bilang Summa Cum Laude.  Matapos nito, sa loob ng mahigit isang dekada, inikot ni ZAS ang Europa sa kanyang pag-aaral ng iba’t ibang kurso sa Sorbonne, Université de Paris at iba pang paaralan sa Pransya, Alemanya at Olandia.  Nagturo din siya sa Italya, Alemanya, Croatia, Montenegro, at Australia. 

Maituturing na “renaissance man,” hindi lamang siya historyador, sikologo, at polyglot—na nakakapagsalita at nakakapagsulat sa mga wikang Filipino, Bicolano, Ingles, Español, Pranses, Aleman, Italyano, Ruso, Malayo—kundi etnologo rin.  Nagkaroon siya ng Doktorado sa Etnolohiya (Docteur en Ethnologie—highest distinction) mula Sorbonne, Université de Paris. 

Kailangan liwanagin na kaiba ang etnograpiya sa etnolohiya.  Ang etnograpiya ay ginagawa ng isang antopologo na nag-aaral ng isang partikular na grupo ng tao sa isang lugar sa pamamagitan ng pakikipamuhay o pag-obserba sa gawi ng mga ito.  Ang etnologo ay isang eksperto na naghahambing ng mga etnograpiya upang maintindihan ng mas malawakan ang mga patterns o pagkakapareho, maging ang mga pagakakaiba ng kultura sa isang rehiyon.

Ang training niya na ito ang siyang nakatulong upang maipakita niya ang pagkakabuklod-buklod ng mga kultura sa Timog Silangang Asya.  Sa ngayon, makikita ang impluwensyang Buddhist, Muslim at Katoliko sa mga bansang ito—mga relihiyon na hindi naman taal sa rehiyong ito.  Ngunit, sa disertasyon ni Zeus sa Paris naipakita niya kung papaanong magkakaugnay ang paniniwala sa kaluluwa at anito ng mga sinaunang nakatira sa Timog Silangang Asya, bago pa ang pagdating ng Buddhismo, Islam at ang kolonyalismong Europeo.  At kung papaanong ang mga paniniwala halimbawa sa kaluluwa, anito, anting-anting ay humalo din sa mga relihiyong ito.

Maraming beses na iginiit ni Zeus ang pagkakaugnay ng mga kultura sa Southeast Asia sa aspekto ng “Maritime Culture” o ang kultura ng paglalayag at pagbabangka na nauna na ring naisulat ni José Rizal.  Ngunit inipon ni Salazar ang iba’t ibang mga bagong pag-aaral at ipinakita ang konseksyon:

a. Ang mismong paggawa ng bangka, balanghay, paraw o ang bangkang pandigma na karakoa na makikita sa maraming lugar sa Timog Silangang Asya (sa Pilipinas sinasabing naimbento ang bangkang may katig).

b. Ang impluwensya ng paglalayag sa paniniwala sa kaluluwa na pinaniniwalaang naglalakbay sa kabilang buhay gamit ang pagsakay sa Bangka (mula sa disenyo ng takip ng Manunggul Jar sa Palawan, ang pananda sa libingan na sunduk sa Sulu, ang kabaong na hugis Bangka sa Cordillera hanggang sa libingang may panandang mga baton a hugis bangka sa Batanes)

c. Ang mga pagkakaugnay ng mga salita sa mga wika sa Timog Silangang Asya na may kinalaman sa bangka at balanghay ay may kinalaman din sa mga salita ukol sa pamayanan at bayan.

d. Ang pagkakaugnay ng konsepto ng pamayanan sa Pilipinas—mula sa Bayan sa Tagalog, Banua sa Visayas at Ili sa Ilocano, sa konsepto ng mga Ilihan o Idjang (Batanes) na mga matatas na lugar malapit sa bayan na pinupuntahan sa panahon sa sakuna.  Naipakita rin ni Zeus na ang konsepto ng Bayan ay kaugnay ng Vanua/Vanuva sa mga isla sa Oceania.

Batayan ng Pagkabansa, Batayan ng Pagka-ASEAN

Sa pag-iipon ng mga datos ni Zeus at ng kanyang mga tagapanalig ukol sa mga pagkakahawig ng mga salita at konsepto na makikita sa mga salitang cognates (halimbawa ang Bahay sa Tagalog, ay Balay sa Visayas, at Bahasa habang sa Kapampangan naman ay Bale) at sa pagkakahawig ng kultura (halimbawa sa mga itsura ng mga representasyon sa kaluluwa tulad ng mga anito) ng mga mamayan sa Timog Silangang Asya at Oceania mula pa Madagascar malapit sa Aprika at Easter Island malapit na sa Timog Amerika, pinatitibay nito ang mga ebidensya na nagmula tayo sa iisang ninuno na may orihinal na wika na tinatawag ngayon ng mga eksperto na Malayo-Polynesian o Austronesian.

Bilang bahagi ng pagsusulat ng kasaysayan ni Pangulong Ferdinand Marcos na Tadhana:  The History of the Filipino People, noong Dekada 1970, sa timeline na isinulat nila ni Dr. Samuel K. Tan, naroroon na ang Austronesian.  Pinabubulaanan nito na ang dahilan ng pagkalat ng mga Pilipino ay ang “Waves of Migration Theory” ni H. Otley Beyer na nagsasabing naggaling tayo sa mga Ita, Indones at Malay sunod-sunod.

Para kay Zeus Salazar, ito rin ang maaaring saligan ng pagkakakilanlang at pagkabansang Pilipino, ang makita ang sarili natin bilang mga Austronesyano unang-una na may mga kultura at kaugalian na sariling atin na nagpapatuloy sa kamalayan at kaisipan ng Pilipino sa kabila ng iba’t ibang impluwensyang dumating sa kanyang kasaysayan (halimbawa ang pagturing sa mga santo bilang anito na pinupunas-punasan, at ang pananatili ng Diyos na ahas o bakunawa sa disenyo ng mga Torogan o bahay ng mga Muslim), gayundin na tayo ay tunay na bahagi ng Dunia Melayu/Malay World/Southeast Asia na naiba lamang ng kaunti dahil sa kolonyalismong Espanyol.  Para kay Salazar, mula sa mga kaalamang ito uusbong ang pagkakaintindihan na pinagmumulan naman ng ibayong pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.

Basahin ang Part 2: Saysay ng sariling kasaysayan: Ang Ambag ni Zeus Salazar sa Bayan

***

Si Prop. Michael Charleston “Xiao” Briones Chua ay kasalukuyang assistant professorial lecturer ng History Department ng Pamantasang De La Salle Maynila at ang Public Relations Officer at kasapi ng Lupon ng Philippine Historical Association.  Isa siyang historyador at naging consultant ng mga GMA News TV series na “Katipunan” at “Ilustrado.”