Kabilang si Tamblot sa mga Pinoy na nakipaglaban noon sa mga Kastila sa Bohol. At bagaman tumagal lang ng may isang taon ang kaniyang pag-aaklas, nagmarka naman ito sa kasaysayan, hindi lang sa lalawigan kung hindi sa buong bansa.
Si Tamblot ay isang babaylan o ay katutubong pari, na iginagalang sa kanilang lugar dahil sa kaniyang kakayanan umano na mamagitan para sa mga tao at sa kalikasan.
Sinasabing nakakuha ng malaking hukbo ng mga tagasunod si Tamblot nang talunin niya sa “paligsahan" sa paggawa ng himala sa pamamagitan ng kalikasan ang isang Kastilang pari, na nais magpakalat ng Kristiyanismo sa lalawigan.
Hinikayat ni Tamblot ang mga tao na manatili ang pananampalataya sa kalikasan sa halip na Kristiyanismo na dala ng mga dayuhang mananakop, na humantong sa rebolusyon na tinawag na "Tamblot Revolt" noong 1621 hanggang 1622.
Pero hindi umubra ang may 2,000 puwersa ni Tamblot na armado lang ng itak, sibat, bato at pana, laban sa hukbo ng mga Kastila at mga tauhang Pinoy, na armado ng mga baril at iba pang mas malakas na armas.
Hindi malinaw kung ano ang sinapit ni Tamblot nang makubkob ng mga Kastila ang kuta niya sa bundok. May nagsasabing nasawi siya habang tumatakas at mayroon ding nagsasabing biktima siya ng asasinasyon na dahilan kaya madaling nagapi ng mga dayuhan ang kaniyang mga tagasuporta. -- FRJ, GMA News