Matapos ang sandaling pagiging guest housemate sa "Pinoy Big Brother" house, game kayang bumalik doon si Sanya Lopez?
Sa isang episode ng "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition," pumasyal si Sanya sa bahay ni "Kuya" at sumabak sa dating game.
Sa siyam na male housemates, bumaba sa lima ang pinagpilian ni Sanya na sina Emilio Daez, Ralph De Leon, Josh Ford, Vince Maristela, at River Joseph.
Sa huli, si Ralph ang napili ni Sanya at nagkaroon sila ng miryenda "date" sa pool side ng bahay ni Kuya.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, inihayag ni Sanya ang kasiyahan sa sandaling pagbisita niya sa PBB house.
Inilarawan din niya ang mga housemate na matatalino at magagaling, at very welcoming ang pagtanggap sa kaniya.
"Na-feel ko kaagad pagpasok ko very welcoming naman lahat, happy naman sila," anang aktres.
Kung may pagkakataon, nais daw sana niyang nakakuwentuhan pa ang bawat isa sa mga housemate.
"Sana mas may chance makakwentuhan 'yung bawat isa sa kanila kasi lahat sila may sense kausap, lahat sila matatalino, lahat sila magagaling," patuloy niya.
Payag kaya siyang maging isa sa mga housemate?
"If given a chance, of course. Pero nakakakaba kasi sinabi nga ni Kuya, bukas pa naman ang pinto ko para sa 'yo," ani Sanya.
Bibida si Sanya sa upcoming movie na "Samahan ng mga Makasalanan" na kinabibilangan nina David Licauco, Joel Torre, Liezel Lopez, Jay Ortega, Betong Sumaya, at marami pang iba.
Masaya si Sanya na naging bahagi ng naturang pelikula na may pagka-comedy na nagsilbing "breather" sa kaniya sa matinding drama sa dati niyang TV series na "Pulang Araw."
"It is the perfect film for all of us, it's a feel-good movie so sana po panoorin natin," pag-imbita ni Sanya.
Mapapanood sa mga sinehan ang "Samahan ng mga Makasalanan" sa April 19.
Samantala, mapapanood naman ang "Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition" sa GMA Network sa ganap na 10 p.m. sa weekdays at sa ganap na 6:15 p.m. naman sa weekends.-- FRJ, GMA Integrated News