Hindi napigilang maiyak at mapasabi ni Candy Pangilinan na napapagod siya matapos ma-trigger at mag-tantrum ang kaniyang anak na may special needs na si Quentin.
Sa kaniyang halos 10 minuto na latest vlog, ipinakita ni Candy ang mahirap na reyalidad na pinagdaraanan ng mga magulang na may mga anak na nasa autism spectrum.
"Pagod na nga kasi si mom, tama na!" pakiusap ni Candy kay Quentin, na umiiyak din.
"Puwede ba makinig ka na?" pagpapatuloy niya.
Ayon kay Candy, ito ang unang pagkakataon na naging tapat siya sa tunay niyang nararamdaman kay Quentin na siya ay ""drained and tired."
"He quite understood the conversation," sabi ni Candy matapos mapansing umayos si Quentin. "He doesn't want to see mom crying," sabi pa ng aktres.
Sa kanilang mga pag-uusap, nagtanong si Candy sa kaniyang anak upang mabigyan ng kalinawan ang bata.
"Napapagod na si mommy!" sabi ni Candy na maluha-luha. "Hindi ka na makuha sa mabuting usapan, hindi ka na makuha sa galit."
Ipinaliwanag din ni Candy kung paano siya nagsusumikap para lang nakapagbigay sa kaniya.
Kalaunan, kumalma rin ang mag-ina. Pinasalamatan ni Quentin si Candy at nagtanong "Do you forgive me? Sorry po. Hindi ko na uulitin. Are you mad at me?"
"Wala akong lakas magalit," sabi niya.
"Parents can get tired but we can never give up. I just showed Quentin how vulnerable I can be. It's working. He is trying to help," sabi ni Candy sa dulo ng video.
Naging bukas si Candy sa publiko na mayroon siyang anak na neurodivergent. Bukod sa pagiging ina, tumatayo rin si Candy bilang guro ni Quentin.
--Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News

