Trigger warning: May paksa tungkol sa depresyon.

Ibinahagi ng Kapuso actor na si Matt Lozano kay Mikee Quintos, host ng cooking talk show na "Lutong Bahay," ang pinagdaanan niyang depresyon at kung paano nito nalampasan.

Kasama ni Mikee si Chef Ylyt nang binisitahin nila si Matt at ang ina nito na si Elaine, para sa episode nitong Martes, kung saan nagluto sila ng beef estofado.

Habang tinitikman nila ang kanilang niluto, tinanong ni Mikee si Matt tungkol sa pinagdaanan niyang depresyon at paano niya ito nalampasan.

Kuwento ni Matt, na kabilang sa mga bida sa dating Primetime series na "Voltes V Legacy," nangyari ang lahat noong kapapanalo pa lang niya sa singing contest ng isang noontime show.

"That time, I was the grand winner of 'Spogif.' Four months straight may mga prod kami tapos biglang nawala. Pumupunta kami sa studio, nandun kami,  tapos waiting, tapos hindi na kami nakukunan. Nalungkot ako dun," pagbahagi niya.

Bumigat umano ang timbang niya nang panahong iyon. At bagaman nag-audition siya para sa ibang proyekto, pero bigo rin siyang makuha.

"Magulo, sobrang gulo ng utak ko nun. Feeling ko walang nagsu-support sa 'kin, feeling ko basta nag-ibang tao ako," paglalahad niya.

Ayon pa kay Matt, nagmamaneho siya minsan sa bilis na 100 kilometers per hour at pumasok sa isip niya na wakasan na ang lahat.

"Lasing na lasing ako nu'n. Sobrang nasa darkest ano ako nu'n, tapos nasa Congressional [avenue] ako, bigla na lang nag-pop sa head ko na, 'Uy may simbahan dun ah.' Stop, U-turn," patuloy niya.

Ipinarada ni Matt ang sasakyan sa harapan ng simbahan at doon niya ilabas ang kaniyang saloobin. Sinamahan din niya ng pagdarasal at humingi siya ng tawad.

"Nagdadasal ako, nag-s-sorry ako, 'Bakit ganito 'yung iniisip ko, anong nangyayari, bakit ko tatapusin 'yung something great na binigay sa 'kin?,'" ayon kay Matt.

Sa loob na umano siya ng sasakyan nakatulog. At nang magising, tinanong niya ang sarili kung ano ang ginagawa niya sa buhay niya.

"Nung nakauwi ako, the next day, tinanong ko si God, sabi ko, 'Bakit mo sa 'kin binigay 'tong talento na 'to kung sasayangin ko lang?' So, ngayon 'yung ginawa ko wala nang kumukuha sa 'kin sa showbiz, no problem.' Kinuha ko yung gitara ko," patuloy ng singer-actor.

Para kay Matt, ang pagmamahal sa "totoong ako" ang natutuhan niya sa kaniyang naging karanasan.

"Siguro 'yung nagsimula akong mahalin 'yung kung ano talaga 'yung totoong ako..." ani Matt sa aral na natutuhan niya. "'Di ba, kumbaga, parang kung hindi mo tatanggapin ikaw kung ano ka eh, kung sino ka, ano ang katawan mo, kung hindi mo i-a-accept 'yung sarili mo."

Ayon sa kaniyang ina na si Elaine, darating ang panahon na hindi na lubos na mapoprotektahan ng mga magulang ang kanilang anak kapag malalaki na.

"Kaya dasal, prayers. Paglabas na paglabas pa lang niya ng bahay, nagdadasal na ko, 'Lord please protect my son, protect my children,' kasi wala na kong control diyan," pahayag niya.

Napapanood ngayon si Matt sa Kapuso afternoon series na "Forever Young," at "Bubble Gang." — FRJ, GMA Integrated News